TARLAC – INIULAT ng Department of Health (DOH) na isang buntis na kabilang sa mga Pinoy na inilikas ng pamahalaan mula sa Hubei, China dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang isinugod sa pagamutan matapos ma-high blood at magkaroon ng pamamanas o edema.
“Mayroon tayong isang buntis na 38-year-old female na nakapagtala ng mataas na blood pressure tapos nagmamanas siya. So ang ginawa ng ating medical team to be sure dinala siya sa isang referral hospital,” ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, nang magbigay ng update hinggil sa mga repatriates, sa isang pulong balitaan kahapon ng umaga.
Ani Vergeire, ang pasyente ay sinamahan ng kanyang asawa, na isa ring repatriate, nang dalhin sa pagamutan.
Sinabi naman ni Vergeire na kahit na makauwi na sila ay patuloy pa rin umano silang imo-monitor ng pamahalaan, sa pamamagitan ng mga regional offices ng Department of Health (DOH), upang matiyak na hindi sila makikitaan ng sintomas ng sakit.
Nauna rito, kabuuang 49 mga Pinoy ang kasalukuyang naka-quarantine sa Athlete’s Village sa New Clark City, Capas, Tarlac, upang matiyak na hindi sila dinapuan ng COVID-19 mula sa Hubei, na itinuturing na pinagmulan ng sakit.
ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.