OBLIGASYON ng gobyernong tiyaking ligtas ang mga buntis at sanggol kahit may pandemya o wala.
Ipinasa ang Republic Act (RA) 11037 o ang “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act” na nagtatag ng public school based-feeding program para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6. Kasama rito ang supplemental feeding program para naman sa mga batang tatlo hanggang limang taong gulang.
Ayon kay Senador Grace Poe, isinulong rin ang pagpasa sa RA 11148 o ang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” na nagbibigay ng komprehensibong nutrisyon at healthcare program sa mga buntis at sanggol mula unang araw nila hanggang 1,000 araw sa bawat barangay.
Dagdag ng senadora, walang dapat maging hadlang sa pagbibigay-kalinga sa mga nagdadalang-tao, gayundin sa pagkakaloob ng patas na pagkakataon sa bawat bata.
Dapat magsilbing gabay ang krisis pangkalusugan para bumalangkas ng mga pamamaraan ang pamahalaan upang matiyak ang patuloy na serbisyo sa kanila sa gitna ng mga hindi inaasahang sitwasyon.
Dapat tiyaking protektado ang karapatan ng mga kababaihan at bata sa sapat na nutrisyon at kalusugan sa gitna man ng pandemya. Ang paglimot sa kanila ay pag-abandona sa kinabukasan ng ating bansa, aniya pa. VICKY CERVALES