BUONG LINGGONG HEARINGS PARA SA 2020 BUDGET

Isidro Ungab

INIHAYAG ni House Committee on Appropriations Chairman at 3rd Dist. Davao City Rep. Isidro Ungab na magsasagawa sila ng pagdinig para himayin ang panukalang P4.1 trillion 2020 national budget mula araw ng Lunes hanggang Biyernes, pagsapit ng darating na Agosto 22.

Ayon sa Davao City lawmaker, layunin ng pagkakaroon nila ng buong linggong hearings  para matiyak na maipapasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa takdang panahon ang 2020 General Appropriations Act (GAA).

“We will do our best to approve the budget on time and exercise our constitutional duty to scrutinize the budget to make sure that every peso that we appropriate will contribute to the overall growth and development of the country,” ang sabi pa nito.

Ginawa ni Ungab ang pahayag kasunod nang gagawing pormal na pagsusumite ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado ng proposed 2020 national budget sa Kamara bukas ng umaga.

Sina Speaker Alan Peter Cayetano at U­n­gab, kasama ang iba pang ranking leaders ng Kamara de Representantes ang mangunguna sa nasabing programa bukas kung saan magkakaroon ito ng ‘live video streaming’ para masaksihan ng publiko.

Ani Ungab, umaasa siya na matatapos ng kanilang committee ang budget hearings sa ikalawang linggo ng Set­yembre at kaagad ding pasisimulan ang plenary deliberations hinggil dito kapag pinal na nilang maaprubahan ang committee report.

“The target date for passage of the General Appropriations Bill is on October 4 before the congressional recess,” dugtong niya.

Base sa inilatag na schedule ng komiteng pinamumunuan ni U­ngab, sa ikasiyam ng umaga sa Huwebes, Agosto 22, ay mag-sisimula na ang budget hearings sa pamamagitan ng isasagawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), ang inter-agency body na tumutukoy sa ‘overall economic targets, expenditure levels’ at budget ng pamahalaan.

Ayon sa DBM, ang 2020 national budget, na may temang “Continuing the Journey to a More Peaceful and Progressive Philippines”, ay naka­tuon para maipagpatuloy ang malakas na paglago ng Filipinas at naaayon din ito sa target na maging isang ‘middle-income country’ ang bansa sa ilalim ng liderato ni Presidente Rodrigo Duterte.

Magiging prayoridad umano ng 2020 cash appropriations ang pagpapalakas ng infrastructure, anti-poverty, at pro-employment spending kung saan pangunahin na dito ang paglalaan ng pondo para sa ‘Build, Build, Build Program’.

Ang iba pang priority programs na bibigyan ng pansin sa panukalang national budget para sa susunod na taon ay ang implementasyon ng Universal Health Care Act; pagpasa sa Bangsamoro Organic Law kasama na ang pagkakaroon ng ‘smooth transition’ sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); ang liberalization ng rice importation bilang bahagi ng food security program ang institutionalization  ng Pantawid Pamil­yang Pilipino Program (4Ps) at ang pagsisimula ng operasyon ng itatatag na Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Tinukoy rin ng DMB ang iba pang priority programs sa 2020 national budget, na kinabibilangan ng monitoring ng K to 12 Program at Tech-Voc Program; paglalaan ng pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education at Unconditional Cash Transfer Program; pagpapabuti ng Risk Resiliency Program at pagkakaroon ng epektibong pamamahala sa coastal resources ng bansa. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.