TINIYAK ng liderato ng Commission on Elections (Comelec) ang transparency o pagiging bukas sa publiko ng kabuuan ng proseso ng eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Chairman Saidamen Balt Pangarungan, iniutos na niya sa mga nangangasiwa sa paghahanda ng eleksiyon na payagan ang observers, watchers at live streaming ng lahat ng mga aktibidad nito nang hindi nakokompromiso ang seguridad ng mga mahahalagang dokumento at ng sistema ng Comelec.
“The Commission on Elections under my leadership is fully committed to a full and complete transparency of the entire election process,” pagtitiyak ni Pangarungan.
“It is incumbent upon the Commission on Elections to be transparent in the preparations and conduct of the elections. This is why, after I assumed as Chairman I ordered to the persons involved in the preparations to allow observers, watchers and live streaming of all the activities without however compromising the security of accountable documents as well as the COMELEC system,” dagdag nito.
Tinukoy na halimbawa ni Pangarungan ang public viewing sa Sta. Rosa Comelec warehouse sa Laguna sa ginawang pag-configure ng SD cards at sa National Printing Office kung saan iniimprenta ngayon ang official ballots.
Sa Huwebes, Marso 24 ay muling bibisita ang Comelec sa NPO sa Pasig warehouse nito kasama ng ilang stakeholders para sa random sampling at pag-inspeksiyon ng naimprenta nang mga balota.
Nauna rito, dumulog sa Korte Suprema ang ilang grupo para maghain ng petition for mandamus at igiit na maatasan ang Comelec na maging mas transparent o bukas sa kanilang mga aksiyon na konektado sa halalan. Jeff Gallos