MARAMI ang nagsasabi na ang basketbol ay hindi isports na pang-Pilipino dahil hindi naman daw tayo likas na matatangkad. Marahil ay may katotohanan ang pahayag na ito ngunit hindi naging hadlang para sa ating mga Pilipino ang kakulangan sa tangkad para tangkilikin at mahalin ang basketbol. Sa katunayan, bahagi na ito ng ating kultura at ng ating buhay.
Hindi man pambansang isports ang basketbol, ito naman ang pinakasikat at pinakamadalas laruin sa bansa – isang patunay kung gaano kamahal ng mga Pinoy ang isports na ito. Maraming beses na ring napatunayan ng mga Pinoy na kaya nitong makipagsabayan sa mga banyaga pagdating sa larong basketbol.
Sa katunayan, Pilipinas ang kauna-unahang bansang itinanghal bilang kampeon ng FIBA Asia Cup noong 1960. Mula rin nang makipagtunggali ang Team Pilipinas sa FIBA Asia Cup, pumapangalawa ito sa may pinakamaraming naitalang medalya mula sa nasabing torneo sa kabuuang bilang na sampu – limang gold, apat na silver, at isang bronze. Patunay lamang ito na talagang magagaling sa basketbol ang mga Pilipino. Anuman ang ikinulang sa tangkad ay natutumbasan ng liksi, pagsusumikap, at puso para sa isports na ito.
Malaki rin ang papel na ginagampanan ng mga organisasyong sumusuporta sa ating mga atleta gaya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Ang SBP ang National Sports Association para sa basketbol sa bansa at kinikilala rin ito ng International Basketball Federation (FIBA), Philippine Sports Commission (PSC), at Philippine Olympic Committee (POC) mula taong 2007.
Sa pamamagitan ng SBP, sumasailalim sa mahusay na training program ang mga atleta na siyang malaking tulong na ihanda ang mga ito tuwing sasabak sa mga internasyonal na torneo. Nasisiguro rin na naibibigay sa mga ito ang mga kinakailangang kagamitan at pangangalaga upang mas magampanang mabuti ang kanilang mga responsibilidad.
Nitong nakaraang 2022 FIBA Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia, hindi inaasahang naging maikli ang torneo para sa Gilas Pilipinas matapos ang pagkatalo laban sa koponan ng Japan sa isang knockout game. Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula noong 2007 na hindi nakapasok sa quarterfinals ang Pilipinas. Maraming mga Pinoy fans ang nagulat at nalungkot ngunit ganoon naman talaga sa larangan ng isports, may natatalo at may nananalo. Ang mahalaga ay ang muling pagbangon mula sa dagok na ito gamit ang mga natutunan mula sa pinagdaanang pagkatalo.
Malungkot man ang mga sumubaybay sa naging performance ng Gilas Pilipinas sa iba’t ibang internasyonal na torneo na sinalihan nito kamakailan, nananatili namang kapana-panabik ang mga susunod na kabanata.
Matapos ang 45 na taon, muling magkakaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na pangasiwaan ang 2023 FIBA World Cup kasama ang bansang Japan at Indonesia. Kaya naman maagang magsisimula ang paghahanda ng SBP at Gilas Pilipinas para rito at layunin nilang buuin ang pinakamalakas na koponan bilang pambato ng Pilipinas.
Nanawagan si SBP President Al Panlilio sa mga stakeholder ng SBP na makipagtulungan sa pagbuo ng koponan para sa World Cup na gaganapin sa susunod na taon. Aniya, ang kakulangan ng panahon para sa training at ang iskedyul ng mga manlalaro ang isa sa mga naging matinding hamon nitong mga nakaraang internasyonal na torneo. Personal siyang nanawagan sa mga manlalaro na bigyang prayoridad ang FIBA World Cup sa pag-aayos ng kanilang mga iskedyul.
Upang makatulong sa paghahanda at sa pagbuo ng koponan, dalawang conference lamang ang lalaurin ng Philippine Basketball Association (PBA) sa susunod na taon. Layunin nitong magbigay-daan sa paghahandang kailangan gawin para sa World Cup. Ang iskedyul nito ay malilibre mula Mayo hanggang sa pagtatapos ng torneo.
Ang suportang kinakailangan ng SBP at ng Gilas Pilipinas ay hindi lamang magmumula sa iba’t ibang organisasyong maaaring mapagkunan ng mga manlalaro gaya ng NBA, PBA, University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at National Collegiate Athletic Association (NCAA). Mahalaga rin ang suportang manggagaling sa mga Pilipino – panatiko man ng basketbol o hindi. Maaaring hindi naging maganda ang ipinakitang performance ng ating koponan sa mga nakaraang laban nito, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang talikuran sila.
Hindi lamang laro o isports ang basketbol para sa ating mga Pilipino kaya’t maituturing na normal na bagay ang may nagagalit, nadidismaya, at nalulungkot sa tuwing hindi pumapabor sa atin ang resulta ng laro. Bahagi na ito ng buhay at tila lenguwaheng nagbibigkis sa atin upang magkaisa. Sa kabila ng mga naging pagkatalo ng ating koponan, kinakailangang manatili tayong nagkakaisang bayan upang mas mabigyan ng inspirasyon at lakas ng loob ang Gilas Pilipinas at ang mga taong nasa likod ng paghahanda ng mga ito.