BURNOUT AT KUNG PAANO ITO MAIIWASAN

BURNOUT

Batiin mo ang iyong sarili!

Patapos na ang 2018, papasok na ang “Ber months”. Sa kabila nito, napatunayan mong malakas ka at kinaya mo ang bawat pagsubok na kinaharap sa araw-araw.

Hindi lingid sa ating kaalaman na marami ang nakararanas ng matinding stress na ang nagiging resulta ay burnout. Maaari itong mangyari sa estudyante man o sa mga em­pleyado.

Ang burnout ay ang kalagayan kung saan ang tao ay emotionally, physically, at mental exhausted na sanhi ng matindi at matagalang stress. Isa rin ito sa nagiging dahilan kung bakit bumababa ang kalidad ng trabaho ng mga mang­gagawa, mababa o walang ener­gy, negatibo ang pag-iisip at kawalan ng pag-asa.

Ngunit hindi maaaring sabihin na dahil lang ito sa mga gawain sa eskuwela o sa trabaho, kasama rito ang uri ng pamumuhay at maging ang pag-uugali ng tao. Sa kabuuan, may malaki itong epekto sa pamilya, trabaho o eskuwela at maging sa social life.

Ang stress ay may mala­king kaibahan sa burnout. Ang stress ay ang paraan o respond ng katawan sa demand o threat.

PARAAN UPANG MAIWASAN ANG BURNOUT

May mga paraan upang maiwasan ang burnout, at ilan sa mga iyan ay ang sumusunod:

KAIBIGANG HANDANG MAKINIG

Buksan mo ang iyong loob sa mga pinakamalapit sa ‘yo. Ikatutuwa rin ng mga kaibigan ang pagbubukas o pagsasabi mo sa kanila ng problema. At ang pagsasabi rin ng problema sa kaibigan ay nangangahulugang pinagkakatiwalaan mo sila.

Hindi naman kailangan resolbahin ng kaibigan ang iyong problem. Ang kaila­ngan lamang ay handa siyang makinig nang walang panghuhusga. Sa pamamagitan ng pagkukuwento sa kaibigan, naiibsan ang lungkot na iyong nadarama.

MAKISALAMUHA SA MGA KATRABAHO

Importante rin ang pakikisalamuha sa mga katrabaho. Madalas tayong nakadarama ng stress sa trabaho. Pero kahit na nakaka-stress ang trabaho o maging ang mga kasamahan mo sa opisina, mainam pa rin kung makikitungo ka sa kanila ng maayos. Magandang paraan din para magkalapit-lapit ang loob ng magkakatrabaho kung magba-bonding o lalabas pagkatapos ng trabaho.

Nakababawas din sa nadaramang burnout ang magandang pakikisama sa mga katrabaho.

LUMAYO SA MGA NEGATIBONG TAO

Hindi nakatutulong ang pakikisalamuha sa mga taong negatibo kung mag-isip. Kapag sinabing mga negatibong tao, sila iyong mga madalas kung magreklamo kaysa sa ang kumilos. Uubusin nila ang iyong enerhiya at hindi ito makabubuti sa iyong trabaho, maging sa iyong pagkatao. Kaya’t iwasan ang  mga ito o mas mabuting layuan.

MAGHANAP NG MGA BAGONG KAIBIGAN

Mag-volunteer at makibahagi sa mga gawaing alam mo na makatutulong sa iba at maging sa iyong sarili. Sa ganitong paraan ay makahahanap ka ng mga bagong kaibigan, bukod sa nakatulong ka pa sa iyong kapwa.

MATUTONG BALANSEHIN ANG MGA BAGAY-BAGAY

Dapat ay matuto rin tayong balansehin ng maayos ang mga bagay-bagay sa ating buhay. Hindi puwedeng nakatutok lang tayo sa isang aspeto ng buhay. Halimbawa ay hindi ka gaanong masaya sa iyong trabaho ngunit kailangan mo itong gawin o ipagpatuloy, makabubuting maghanap ka ng mga bagay na makapagpapasaya sa iyo ng mabalanse ito.

Magpokus sa mga bagay na nagbibigay sa iyo ng kasiyahan.

TIME OUT!

Ugaliing magkaroon ng “Me” time. Magbakasyon. Sa mga empleyado, maa­aring magpasa ng temporary leave of absence at gamitin ito upang makapagbakasyon. Mag-recharge, huminga, mag-isip-isip at mag-enjoy.

HUWAG MATAKOT NA HUMINDI

Masama rin kung oo lang tayo nang oo. Matuto rin tayong magsabi ng “NO” sa iba. Ang pagsasabi ng “NO” sa iba ay nangangahulugan namang “Yes” para sa iyong sarili upang makapagpokus sa mga kailangan mong gawin.

SAPAT NA TULOG AT EHERSISYO

Hindi lingid sa ating ka­alaman na ang taong kulang sa tulog ay madalas na nagi­ging iritable, mainitin ang ulo, wala sa pokus. Mahalaga ang pagtulog upang makapagpahinga ang utak ng mabuti.

Inirerekomenda rin ang 30 minuto ng ehersisyo sa isang araw. Ang 10 minutong lakad ay nakapagpapaganda ng mood.

Habang nag-eehersisyo, huwag ipokus ang isipan sa mga negatibong bagay.

KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN

Bawasan ang matatamis at mga pagkaing mataas sa carbohydrates. Marami tayong comfort food gaya ng chocolate, pasta, fries ngunit may panandaliang epekto lamang ito na mapagaan ang ating pakiramdam ngunit mabilis din nitong uubusin ang iyong enerhiya.

IWASAN ANG NICOTINE AT ALAK

Pinaniniwalaan natin na nakakakalma ang paninigarilyo, ngunit mali ito dahil nakadaragdag lamang ito sa stress na iyong nadarama.

Bukod sa nicotine, iwasan din ang alak. Hindi kailanman naging sagot ang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin.

Panandalian lamang itong makababawas sa mga inaalala ngunit hindi naman nabawasan o naresolba ang prob­lema. Mas masarap uminom kung nagdiriwang ng tagumpay kaysa lunurin ang sarili sa alak sa pag-aakalang mawawala ang problema kinabukasan.

Kung minsan ay hindi naiiwasan ang burnout ngunit may mga bagay para maka­yanan o malampasan ito.

Muli, batiin mo ang iyong sarili dahil hindi ka humihinto para makamit mo ang iyong pangarap.

Mahirap pero hindi ka bumibitaw kundi lumalaban pa. Kaya huwag kalimutang ngumiti at magpasalamat. (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.