LIMANG porsiyento lang, Suki.
Ang nakisama sa MMDA noong nagdaang Lunes para sa dry run ng eksperimentong tinawag na provincial bus ban.
Ito ‘yong hindi na papasok sa kahabaan ng Edsa ang mga bus na manggagaling sa labas ng Kalakhang Maynila.
Maganda ang intensiyon: Maibsan ang bulto ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng pinaka-problemadong kalsada sa kapitolyo ng bansa.
oOo
Ang mga bus na manggagaling sa Norte, Suki, ay hanggang sa isang pansamantalang terminal lang sa lungsod ng Valenzuela.
At sasakay ulit ang mga pasahero sa city bus na siya namang papayagang bumagtas sa Edsa.
Kapag galing naman sa katimugan ang bus ay hanggang sa Sta. Rosa Interim Terminal lang sa Laguna ang pagbaba ng pasahero kung sa Cubao ang kanilang base-terminal.
At kung ang kanilang base-terminal ay sa Pasay ay sa Parañaque Interim Terminal naman ang huling pagbaba ng mga pasahero.
At ‘tulad ng mga biyaheng Norte ay sasakay ulit ang mga pasahero sa city bus patungo sa kanilang destinasyon sa loob ng Metro Manila.
Iyan, Suki, ang buod ng provincial bus ban na ang layunin ay mabawasan ang bilang ng malalaking sasakyan na naghahari sa kahabaan ng Edsa bago pa sumikat ang araw hanggang sa paglubog nito… at hanggang sa maghahatinggabi.
oOo
Ang tanong, Suki: Bakit sa inaasahang 2,736 units na sakop ng provincial bus ban policy ay 136 lang ang nagkoopereyt sa MMDA, ha?
Limang porsiyento lang ba ang may hangad na maisaayos ang problema sa trapiko sa Edsa?
Bakit dedma ang karamihang operator ng mga panlalawigang sasakyan, ha, Suki?
Ito ang sagot ng isang bus owner sa Cubao:
“Sir, subok o test run lang naman ‘yung ginawa noong nakaraang Lunes… kaya hinayaan ko na lang muna ang aming mga drayber na kumayod… para may maiuwi silang pagkain sa kanilang mga pamilya.”
Suki, survival sa pang-araw-araw na gastusin ang laban ng drayber. Kaya ‘di sila puwedeng sisihin kung dedma sila sa dry run ng MMDA.
Pero susunod ang mga ‘yan, Suki, pag totohanang may huli na!