COTABATO-PINANINIWALAANG na neyutralisa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis ang kasapi ng Daulah Islamiyah terrorist group na responsable sa pagpapasabog ng ilang passenger bus sa area ng Cotabato at Maguindanao sa isinagawang law enforcement operation kamakalawa ng umaga sa Purok 7, Barangay Dunguan, Mlang sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Western Mindanao Command, patay ang isang terorista at nahuli naman ang kasamahan nito sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng pamahalaan at grupong Daulah Islamiya .
Nakilala ang nasawi na si Monir Lintukan at ang naarestong ay si Randy Saro alyas Bobong, kapwa miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguindanao group.
Ayon kay 602nd Brigade commander Col. Jovencio Gonzales, nagsagawa sila ng law enforcement operation katuwang ang tropa ng 90th Infantry Battalion, 34th IB, Ist Scout Ranger Battalion, 4 JSOU at PRO-12 laban sa mga terorista.
Target ng operation ang mga kasapi ng teroristang grupo na nasa likod ng bombing incidents sa Parang, Maguindanao; Koronadal City, South Cotabato, at Tacurong City, Sultan Kudarat.
Subalit bago pa magsimula ang operasyon ay sinalubong na agad ang tropa ng pamahalaan ng sunod sunod na putok mula sa hanay ng DI Maguindanao Group na pinamumunuan ni Almoben Camen Sebod, a.k.a. Polok, full-time member ng grupo na direktang sangkot sa extortion and scam activities at Omal Kamsa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tumagal ng 30 minuto ang engkwentro sa magkabilang panig dahilan ng paglikas ng ilang sibilyan.
Umatras ang mga rebelde papasok ng Liguasan Delta sa direksyon ng Maguindanao.
Narekober ang bangkay ni Lintukan at nahuli si Saro ng mga sundalo kasama ang mga pulis.
Nakuha sa posesyon ni Lintukan ang isang M16 armalite rifle, bandolier, mga bala, magasin at isang improvised explosive device (IED).
Sinabi ni Gonzales na ang nasabing grupo ay sangkot sa pangingikil, panloloko, pambobomba sa bus sa Aleosan, Cotabato at Parang, Maguindanao.
Sangkot din ang mga suspek sa bus bombing sa Koronadal City at nangyaring pagsabog sa Tacurong City.
VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO