BUS FIRM SA ANTIQUE ACCIDENT SUSPENDIDO

SINUSPINDE kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Ceres bus company makaraang mahulog ang isa sa mga bus nito sa bangin sa Antique na ikinasawi ng 17 pasahero.

Ayon sa LTFRB, ang suspensiyon ay tatagal ng 90 araw.

Iniutos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang pagsuspinde sa lahat ng bus units ng Ceres bus na bumibiyahe sa lugar, gayundin ang agarang imbestigasyon sa aksidente.

“We already issued a 90-day preventive suspension to the entire fleet, meaning to say ‘yung mga bus na nagbibiyahe ng rutang ‘yon, 15 sila, nag-issue na agad ng preventive suspension,” ayon kay Guadiz.

Kasalukuyang bini­beripika at nililinaw ng LTFRB ang bilang ng mga nasawi sa aksidente  at  nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad at ahensiya para mangalap ng tumpak na impormasyon.

“Ang roadworthiness ay done during the registration but it is incumbent upon the bus company na every time babiyahe ‘yan, sisiguraduhin nila na maayos yung mga bus nila. So that’s what I will be looking into, titingnan namin yung ledger sa terminal kung ano yung kondisyon bago ito umalis, at siyempre, titingnan din natin ang kalagayan ng driver,” dagdag pa niya.

Bukod dito, nagsimula na ring magsagawa ng site inspection ang LTFRB at nakipag-ugnayan na sa insurance company para mabayaran ang mga biktima.

Sinabi rin ni Guadiz na mayroon nang inter-agency team na kinabibilangan ng LTFRB, Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) na humahawak sa imbestigasyon.

Ayon sa mga ulat,  patungo ang bus sa Antique mula sa Iloilo City nang magkaroon ng mechanical failure ang sasakyan, at lumagpas sa permanenteng concrete barrier sa zigzag sa bulubunduking kalsada sa Barangay Igbucagay bago nahulog sa bangin. Patuloy pa rin ang retrieval operations at isinugod ang mga nasagip na pasahero sa Angel Salazar Memorial General Hospital sa San Jose de Buenavista.

Dagdag ng LTFFB chief, tinitingnan na rin nila ang mga ulat na sa parehong lugar din nahulog ang isang Ceres bus na ikinamatay ng dalawang pasahero, ilang taon na ang nakalilipas.

EVELYN GARCIA