BUS NAHULOG SA BANGIN: 17 PATAY, 12 SUGATAN

UMAABOT sa 17 pasahero ang namatay kabilang ang driver at inspector nito matapos mahulog sa bangin ang isang bus sa bayan ng Hamtic, Antique nitong Martes ng hapon.

nang nilinaw ng Vallacar Transit na nagmamay-ari ng Ceres bus na nahulog sa bangin sa Hamtic na 24 lang ang mga pasahero ng bus na may bus number na 6289.

Galing ng Iloilo ang bus at papuntang Culasi, Antique nang mahulog ito sa bangin sa KM 174, Igbucay, Hamtic, Antique.

Ayon sa Antique police, 17 ang binawian ng buhay kabilang ang driver, inspector at 17-anyos na estudyante na nasagi ng bus.

Huling nakuha ang labi ng driver at inspector dahil naipit ito sa bus.

Dagdag ng Antique PNP, sa 28 na sakay ng bus 12 ang nakaligtas.

Sa inilabas na statement ng management ng Vallacar Transit, boluntaryo na nilang sinuspinde ang prangkisa ng 12 pang ibang mga bus na kasama sa prangkisa ng Case No. 11-VI-021-AK.

Inireport na rin nila ang insidente sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at handa sila makipagtulungan para sa anumang imbestigasyon.

Tinuturing din ng pamunuan na accident prone ang naturang lugar dahil madalas na may nahuhulog na mga sasakyan dito.

Ayon kay Governor Rhodora Cadiao, matagal na silang humingi ng tulong sa National Government dahil marami na rin umanong naaaksidente sa lugar.

May ipinadalang tauhan ang Vallacar Transit sa ospital para tumulong sa pangangailangan ng mga biktima kung saan nangako na magbibigay ng financial assistance at sila rin ang gagastos sa lahat ng medical at burial expenses ng mga sakay ng bus.

Sinabi rin nila na makakaasa ang riding public na ginagawa nila ang lahat para maging road-worthy at well-maintained ang kanilang mga bus.

Nabatid na ang main office ng Vallacar Transit ay nasa Bacolod City.
EVELYN GARCIA