BUS NAHULOG SA BANGIN: 31 PASAHERO LIGTAS

BUKIDNON- MAPALAD na nakaligtas ang 31 pasahero maliban sa limang na nagtamo ng mga sugat matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang passenger bus sa Sitio Mangima, Barangay Tankulan, Manolo Fortich sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Sa ginawang imbestigasyon ng Manolo Fortich Police kay Tommy Magno, driver ng bus ng San Andres, Barangay Bunawan, Agusan del Sur na galing sila sa Cagayan de Oro City at patungo sana sa Davao City.

Sa report na ibinahagi Senior Master Sergeant Larie Eco ng Manolo Fortich PNP, ang 31 sakay ay dinala sa Bukidnon Provincial Hospital Annex sa San Miguel, Manolo Fortich na kung saan lima lamang ang nagtamo ng minor injuries.

Sa pagsisiyasat, tinatahak ng bus ang kurbada at pababang bahagi ng national highway nang biglang nawalan ito ng preno kaya nawalan din ng kontrol sa kanyang manibela ang driver ng bus at nahulog sa bangin.

Agad rumesponde ang pulisya at rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction Office at dinala sa Bukidnon Provincial Hospital ang mga nasugatan.

Isang pasahero ng bus na si John Michael Narvasa Ganzan ang nag-live Facebook video kung saan humihingi sila ng tulong para ma-rescue.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Roads and Traffic Administration ng lungsod, posibleng nawalan ng brake ang bus kung saan madulas din ang daan dulot ng pag-ulan. Nangako naman ang may ari ng bus company na sasagutin nila ang gastusin ng mga pasahero. VERLIN RUIZ