BUS NASAPUL ANG BABAENG PASAHERO, KRITIKAL

Nasagasaan

LAGUNA – GINAGAMOT ngayon sa Philippine Orthopedic Hospital ang tinamong sugat sa kanang bahagi ng kanyang binti at hinihinalang pagkabali pa ng buto ng isang babae matapos mabundol ang sinasakyan nitong pampasaherong bus sa Brgy. Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba.

Kabababa pa lamang ng biktimang si Dianalyn Cunanan, ng Brgy. Masili, sa bus na minamaneho ni Anthony Barcoma ng Brgy. Cabanbanan, Pag-sanjan, nang hindi inaasahang maganap ang naturang insidente dakong alas- 8:30 kamakalawa ng umaga.

Hinala ng biktima na posible umanong nagmamadali ang tsuper na si Barcoma kaya nasapul ito habang papatawid dahilan para maipit ito sa ilalim ng bus.

Isinugod ng nagrespondeng mga kagawad ng Calamba City Public Order and Safety Office (POSO) ang biktima sa Healthserv Hospital sa bayan ng Los Baños kung saan agaran din itong inilipat sa nabanggit na pagamutan bunsod ng hinihinalang pagkabali ng kanyang binti.

Kaugnay nito, nakatakda umanong sagutin ng kompanya ang lahat ng gastusin sa pagamutan bukod pa aniya ang pang araw-araw na kinikita nito sa kanyang trabaho base sa mapagkakasunduan ng magkabilang panig sa harap ng awtoridad habang nasa loob pa rin ito ng naturang pagamutan. DICK GARAY

Comments are closed.