BUS PA-MAYNILA NAMOMONITOR

ISABELA-TINIYAK ng Public Order and Safety Division ng Cauayan City na regular nilang namomonitor ang mga bus na kabilang sa pinayagang makabiyahe sa point-to-point at dumarating sa siyudad galing Metro Manila bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, matapos na makapagtala ng Omicron variant case ang Metro Manila at ibalik itosa Alert Level 3.

Aniya, nakasisigurong dumaan sa pagsusuri at tamang proseso ang mga pasahero ng mga bus na bumibiyahe galing Metro Manila papasok ng lungsod ng Cauayan.

Protektado umano ang mga pasahero nito dahil bago pa man sumakay ay hinahanapan na ang mga ito ng vaccination card at mayroong manifesto kung saan nakalagay ang mga mahahalagang impormasyon.

Sa ganoon aniya sakaling may matukoy na nagpositibo sa COIVD-19 habang bumibyahe ay kaagad na matutukoy kung sino ang mga dapat i-contact trace.

Gayunman, wala aniya silang kontrol sa mga bumibiyaheng colorum na van kung saan hindi nasusuri ang mga pasahero kung carrier ba ng COVID-19 o hindi.

Kaya naman nanawagan ito sa mga mananakay na tangkilikin ang mga bus na pinayagang makabiyahe ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil nakatitiyak silang legal at masusuri ang kanilang health condition. IRENE GONZALES