SOUTH COTABATO-DALAWANG lalaki ang malubhang nasaktan sa naganap na pagsabog sa loob ng isang passenger bus sa kahabaan ng Gensan Drive sa Koronadal City sa lalawigang ito kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Koronadal City Police Station, dalawang tricycle driver na tumatakbo sa highway sa tabi ng passenger bus ang nasugatan nang biglang sumambulat ang hinihinalang improvised explosive device na itinanim sa loob ng bus bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon.
Kapwa itinakbo sa sa pagamutan ang mga dalawang sugatan para sa kaukulang lunas.
Agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)-South Cotabato Explosives and Ordnance Disposal at Canine Group sa lugar ng pinangyarihan.
Sinasabing nakunan ng surveillance camera ng isang private company ang naganap na pagsabog.
Wala pang tinutukoy na suspek o grupo ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon. VERLIN RUIZ