(Bus sa EDSA kulang) MMDA NAGBIGAY NG LIBRENG SAKAY

DAHIL sa kakulangan ng pampasaherong bus, nagbigay ng libreng sakay ang Manila Development Authority ( MMDA) sa mga commuter sa Commonwealth-Litex simula araw ng Biyernes.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, nag-deploy ng anim na bus at dalawang military truck ang kanilang tanggapan para isakay ang mga naistranded na mga commuter tuwing umaga, simula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga.

Ang hakbangin ng MMDA ay dahil sa natanggap nilang report na maraming mga mananakay ang naghihintay nang matagal para sa masasakyang bus.

“We received reports that passengers are waiting for buses along the road itself. We will deploy our Libreng Sakay buses as long as it is needed to help the public on their daily commute,” sabi ni Artes.

Sinabi nitong pansamantala lamang ang libreng sakay dahil ang MMDA at iba pang ahensiya ay gumagawa na ng paraan para sa long term solution na magbibigay ginhawa sa mga pasahero.

Ayon pa kay Artes, ang kakulangan ng mga PUB ay posibleng aabot pa ng buwan ng Hunyo lalo na sa pagbubukas ng face-to-face classes.

Handa naman aniyang makipagtulungan si Mercy Sta. Maria, presidente ng United Mega Manila Bus Consortium sa MMDA para sa deployment ng mga bus.

Samantala, nanawagan ang MMDA sa mga commuter na pairalin ang disiplina sa sarili pagdating sa pagpapatupad ng batas trapiko.

“By providing them additional public transportation, we can keep them off the road to lessen impact on traffic and keep them safe, as well”, dagdag pa ni Artes. LIZA SORIANO