CAVITE – TINATAYANG aabot sa 32 magkakamag-anak at kaibigan mula sa salo-salong kasiyahan ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang kanilang sinasakyang mini-bus na malalim na creek sa gilid ng tulay sa Brgy. Sapang 2, bayan ng Ternate sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Sa inisyal na police report, lumilitaw na pauwi na sa bayan ng Naic, Cavite ang mga biktimang lulan ng minibus na may plakang DXE 277 nang magkadiperensiya ang preno nito kaya nagpagiwang-giwang sa kahabaan ng Governors Drive.
Nabatid na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Oscar Mamatan kaya nagtuluy-tuloy na sumalpok sa concrete barrier bago bumulusok sa malalim na creek ng tulay kung saan karamihang pasahero ay tumilapon palabas ng minibus habang ang iba ay naipit sa loob ng sasakyan.
Napag-alamang nagmula sa masayang salu-salo sa beach resort sa bayan ng Ternate ang mga biktima kung saan pauwi na sana sakay ng minibus nang maganap ang sakuna.
Kaagad naman rumesponde ang ilang bystander para maisugod ang mga biktima sa magkakahiwalay na pagamutan kung saan wala naman namatay habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
MARIO BASCO