NABABAHALA ngayon ang pamunuan ng Provincial Environment and Natural Resounces Office (PENRO)-Quezon sa posibilidad na magkaroon ng bushfire sa mahiwagang Mt. Banahaw dahil sa nararamdamang matinding init ng panahon.
Ito ang nabatid kay Magtanggol Barrion, park maintenance foreman ng PENRO-Quezon kung saan sinabi nito na hindi imposibleng may maitalang sunog sa mga dinarayong lugar gaya ng Mt. Banahaw at ilang katabing bundok lalo na kung mapabayaan.
Kaugnay nito, nakaalerto na ang mga awtoridad habang may mga grupo ring mahigpit na nagbabantay sa mga magnanais na umakyat sa mga bundok.
Maliban dito, may mga training na rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga grupo at residente sa lugar para makatulong sa pagresponde sakaling may sumiklab na sunog.
Layunin nito na maiwasang muling maulit ang naitalang sunog noong 2014 kung saan halos 50 ektaraya ng bundok ang napinsala sa malawakang bushfire.
Ang Mt. Banahaw ang isa sa mga tanyag na bundok sa lalawigan ng Quezon na kadalasang dinarayo ng mga turista partikular ngayong nalalapit na Semana Santa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.