TANONG: Doc Benj, gusto ko pong matutong mag-business, ano po ang maipapayo ninyo?
Sagot: Tamang maisip mong pumasok sa negosyo at may mga kung anumang kadahilanan ka kung bakit ka papasok pero narito ang isang magandang paraan para ikaw ay matutong mag-business. Tinatawag ko itong “Business Aquarium” o kung baga parang aquarium ng isda na pinanonood mo pero dito ang pinanonood mo ay ang iyong negosyo. Sa isang fish aquarium, kumpleto ang nandoon para sa isang tinatawag na “ecosystem”, sa science ito ay ‘yung kabuuan ng living things na may cycle ng paggamit sa lahat ng parte ng nasa aquarium at mauunawaan kung paanong nangangailangan ang bawat isa para maging buhay ang aquarium.
Sa isang business, mahalagang maunawaan mo muna ang kabuuan ng pagnenegosyo at ang karanasan mo sa isang maliit na business ang makapagtuturo sa ‘yo ng malawak na pang-unawa at mga panimulang karanasan. Narito ang ilang puntos kung bakit magandang magsimula kang mag-aral at mag-observe sa iyong “Business Aquarium”:
- Magsimula sa Maliit – Umpisahan mo ng magsubok-subok na magnegosyo ng maliit. Magtinda-tinda, maggawa-gawa ng produkto, mag-ipon-ipon ng mga kaibigang maaring maalok ng paninda at mauumipsahan mong maunawaan ang mga nais na bilhin ng tao at maranasan ang hirap at saya sa pagnenegosyo. Magandang makasimula na ng maliit na negosyo dahil ito ang magsisilbing paumpisang pattern mo sa pagnenegosyo kung ikaw ba ay nag-eenjoy at may magandang hinaharap sa pagnenegosyo. Mag-umpisa ng maliit para maliit lamang muna ang iyong isusugal. Kung maramdaman mong gusto mo ang pagnenegosyo tsaka mo araling lakihan. Kung maliit ay maaari mo nang masimulan agad dahil maliit na puhunan ang kailangan.
- Aralin ang Lahat ng Aspeto – Sa isang buong business cycle, magandang maunawaan mo ang lahat ng aspeto ng isang negosyo. Kaya sa iyong business aquarium ay magiging pagkakataon mo itong ma-experiment ang pagma-manage, pag-a-accounting at finances, pagmamarket at paggawa o produksiyon. Makikita mo ang kabuuan ng business, aspeto ng buyer o consumer at supplier o mga ilan pang nakakahalubilo sa pagnenegosyo, sa pamamagitan ng iyong maliit na business.
- Maiaayos mo at Mababago ang mga Dapat Ayusin – Kung maliit at parang experimental ang Business Aquarium mo, madali mong mababago ang mga pananaw mo sa mundo ng pagnenegosyo at maging ang dapat ayusin mo sa business mo ay madali mong maaasikaso. Pati sa sariling pag-uugali o mga behaviours para maging matagumpay na negosyante ay madali mong babaguhin. Kung may mga nais kang i-improve sa pagnenegosyo, ito ang tamang pagkakataong masubukan ang mga gusto mo pang gawin at dito mo mapaghahandaan ang pagpasok sa mas seryoso o mas malaking negosyo. Maituturing mo itong parang pag-aaral sa kolehiyo o sa isang Masters class na actual mo pang matututunan. Ika nga, “experience is the best teacher.” At sa ating mga Pinoy, dapat maturuang magnegosyo ang lahat at habang bata pa ay maituro na sa klase.
- May Panahon kang Makapaghanda sa Mas Malaking Negosyo – Habang inaaral mo ang maliit na negosyo na kung uunawain mo ay ito pala ay sumasalamin din sa isang malaking negosyo, makapaghahanda kang mabuti sa isang mas malaking pagsusugal sa negosyo. Maiisip mo na ang mga dapat mong isaalang-alang at may mga pangunahin ka nang mga nagawa at natutunan at maiiwasan na ang pagkakamali sa mas malaki na negosyo at maaaring mabawasan na ang iyong takot sa hinaharap.
- Mas Mauunawaan ang Government Requirements – Sa iyong Business Aquarium, mapipilitan ka na ring aralin ang mga kinakailangang ipasang reports o mga requirements ng gobyerno. Unawain pati ang mga tax at regulation sa pagne-negosyo. Makatutulong sa pangangasiwa ng business para sa mas posibleng paglaki ng kita kung marunong ka sa mga government requirement at pagbabayad ng buwis.
- May Tsansa kang Makapagbago ng Isip – Lalakihan mo pa ba o magtutuloy ka o hindi? Ito ay ilang tanong na maaari mong ma-consider kung maliit pa lamang ang negosyo mo at gusto mo nang bitawan nang hindi ka nakararanas ng malaking pagkatalo. Magandang open pa ang opportunities mo sa buhay mo at makakadesisyon ka pa nang tama at hindi huli sa oras. May mga maaapektuhang kapamilya o ibang tao sa iyong pagnenegosyo kaya mahalagang mapanindigan ang desisyon mo at masiguro ang mga posibleng kahantungan.
Sa panahon ngayon, kinakailangang marami kang paraang ginagawa para kumita at hindi lamang sa pagiging empleyado o may iisa lamang na negosyo at mauumpisahan mo ang pagnenegosyo kung susubukan mo muna sa maliitang pagkuha ng mga karanasan at saka ka sumabak sa pangmalakihan. Kung baga sa ingles, “test the waters” at saka mo malalaman kung ang negosyong papasukin ay kakayanin mo at masusukat mo kung may potential kang maging matagumpay. Maaaring sasabihin mo sa ‘kin na wala kang kapasidad na sumubok sa negosyo dahil limitado ang iyong puhunan, maipapayo ko namang mas magandang magsimula ka sa maliit kaysa malugi ang malaki mong puhunan. Para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong ikonsulta, i-email sa [email protected]. Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan ninyo ako sa 0917-876-8550. Nawa’y makatulong ang paraan na ito na ikaw ay matuto sa pagnenegosyo. Maraming tao ang nabibigyan ng puhunan at nakapagsisimula ng negosyo pero hindi naitutuloy dahil sa kakulangan sa kaalaman at karanasan. Marami ring may mga alam pero hindi naranasan ang aktwal.
Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.
Comments are closed.