NABAWASAN ang kumpiyansa ng business sector sa bansa sa second quarter ng taon dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin, ayon sa survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Gayunman, sinabi ni Deputy Governor Diwa Guinigundo na habang ang mga implikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ang itinuturong dahilan ng pagbaba ng optimismo, ang TRAIN ay hindi direktang tinukoy ng mga respondent.
Batay sa Business Expectations Survey (BES) ng BSP, ang overall confidence index (CI) ay bumaba sa 39.3 percent, mula sa 39.5 percent sa first quarter ng taon, at sa 43.0 percent sa second quarter ng 2017.
Ito ang pinakamababa magmula nang maitala ang CI sa 39.4 percent sa first quarter ng 2017.
Ayon kay BSP Department of Economic Statistics Head Redentor Paolo Alegre, Jr., ang optimismo ay apektado ng tatlong salik.
“This was due to expectations of higher consumer prices, due to higher oil prices and the peso depreciation,” ani Alegre.
“I think the only difference between then and now is the implementation of the TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law and corresponding implications, consequence, particularly on prices,” dagdag ni Guinigundo.
Ang Q2 2018 BES ay isinagawa mula Abril 2 hanggang Mayo 22, 2018, at nilahukan ng may 1,466 kompanya sa buong bansa.
Ang mga respondent ay hinugot mula sa pinagsamang talaan ng Top 7,000 Corporations ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 2010, at ng Top 1,000 Corporations na inilathala ng BusinessWorld.
Comments are closed.