BUSISIING MABUTI ANG DEFENSE INDUSTRY DEVELOPMENT ACT

MALAWAK ang problema ng gobyerno sa kriminalidad, droga, at katiwalian.

Ang mga ito’y minana pa ng administrasyong Marcos sa mga nakaraang liderato.

Kahit ang pinakamalaki at pinakamahigpit na piitan sa bansa, ang New Bilibid Prison (NBP), ay napaulat na may illegal drugs at may nagaganap na krimen.

Ang correctional system ay isa sa mga haligi ng hudikatura.

Kaya kailangan itong mapaigting at ayusin.

Sa halip na parusahan at ituwid ang bilanggo, mas nagiging mabangis daw at pusakal ang mga kriminal.

Hindi lamang ito, maging ang pagpapatupad ng batas at hudikatura ay kailangan daw repormahin.

Ngunit sinisikap ng pamahalaang Marcos na masawata ang mga krimen na dulot ng ipinagbabawal na droga at iba pa.

Katunayan, bilang bahagi ng internal cleansing program ng Philippine National Police (PNP), nagsumite ng courtesy resignations ang daan-daang police colonels at generals.

Buko dito, nariyan din ang banta sa national security tulad ng threats sa Indo pacific region.

Ito naman ang dahilan kaya isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagtatayo ng sariling weapon manufacturing technology ng Pilipinas.

Nais ni Zubiri na maisabatas ngayong taon ang Philippine Defense Industry Development Act (DIDA).

Inaasahan ni Zubiri na uusad sa committee level ng Senado sa ikalawang bahagi ng taon ang panukala upang agad itong malagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa ginanap na 2023 Shot Show’s Media Day sa Boulder City, Nevada, sinubukan ni Zubiri ang bagong lunsad na RIA 5.0 firearm pistol ng ARMSCOR Global Defense.

Dito niya rin isiniwalat ang pangangailangan na magkaroon ng sariling pagawaan ng armas ang Pilipinas.

Pagmamalaki ni Zubiri, sang-ayon din si House Speaker Martin Romualdez sa bill.

Inaasahan din daw ng senador na lalagdaan ni PBBM ang panukala dahil noon pa man ay nais din umano nitong magkaroon ng DIDA.

Nakasabay pa nga raw niya ang Pangulo sa isang fun shoot sa Presidential Security Group (PSG) Firing Range at doon nila natalakay ang tungkol dito.

Sakaling lumusot, aamyendahan ng DIDA bill ang lahat ng procurement laws; susuportahan ang local weapons manufacturing technology sa bansa; at hihikayatin ang international companies na magtayo ng planta nila sa bansa at mag-hire ng mga manggagawang Pilipino.

Sabi ni Zubiri, suportado rin nina Senators Ronald Dela Rosa at Jinggoy Estrada ang Senate Bill 315.

Mas maigi raw kung sa sarili na nitong gawa aasa ang ating defense military forces bunsod na rin ng tumitinding banta sa pambansang seguridad.

Hindi na raw uubra ang minimum credible defense program para sa Pilipinas dahil karamihan sa mga kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya gaya ng Malaysia, Thailand, Indonesia at Vietnam ay matagal nang naghahanda sa pagpapalakas ng kanilang defense forces.

Tama nga naman si Zubiri.

Isipin na lang natin ang nangyaring Marawi Siege noong 2017 kung saan hirap ang mga sundalong Pinoy sa pagsagupa sa mga kalaban dahil sa kakulangan sa mga bala.

Paano kasi, sa labas pa tayo ng bansa kumukuha ng armas at ammo.

Naniniwala rin si Zubiri na dapat suportahan ng gobyerno ang Global Defense na napalawak daw ang operasyon sa pagbebenta ng mga bala at baril nang hindi lamang sa Philippine market umaasa.

Sinandalan, aniya, ng ARMSCOR ang international market.

Kaya mas maganda raw na suportahan ang pagpapalawak ng kanilang operasyon sa bansa.

Sa pagkakaalam ko, matagal nang sinasabi ng marami na may pagawaan ng baril sa Danao, Cebu pero hindi lang daw ito masyadong nakikilala at walang nakukuhang suporta sa gobyerno.

Subalit kilala ito sa lalawigan na bagama’t may mga nagsasabi na paltik lang daw ang kaya nilang gawin.

Gayunman, marami rin naman daw kumukuha ng baril sa kanila na mga awtoridad at professionals.

Nawa’y pag-aralang mabuti ng mga senador at siyempre ni Pangulong Marcos ang panukala ni Zubiri sakaling umabot ito sa kanya.

Baka kasi nakakiling lang ito sa pribadong sektor at baka talo na naman ang gobyerno kung sakali.

Sa usapin ng armas at bala ay dapat magdoble-ingat ang gobyerno.
Baka dumami na naman ang mga armadong grupo na ang ilan ay namamayagpag pa tuwing panahon ng eleksiyon.