MAKARAANG dumalo sa Minasa Festival kasama sina Vice President Sara Duterte, Senador Imee Marcos at iba pang mga opisyal, personal na ininspeksiyon ni Senador Christopher “Bong” Go ang nagpapatuloy na konstruksiyon ng Bustos Multipurpose Sports Facility sa Bulacan noong Lunes, January 9.
Tumulong si Go sa pagsusulong ng sapat na pondo para sa naturang imprastruktura.
Sinabing ang naturang pasilidad ay magkakaroon ng sarili nitong tennis court, pinuri ni Go ang local government ng Bustos, sa pangunguna ni Mayor Francis Albert “Iskul” Juan, para sa naturang inisyatiba.
Naniniwala ang senador na makatutulong ang konstruksiyon ng nasabing sports facility sa mga atleta na nais mag-excel sa kanilang napiling sports field.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, pinagtibay ni Go ang kanyang commitment na palakasin ang mga pagsisikap na lumikha ng mga oportunidad para sa Filipino athletes.
“Bilang inyong chair ng Committee on Sports sa Senado, nakakatuwa talaga kapag may ganitong mga inisyatibo na may layuning palakasin pa ang sports sector ng bansa. Excited po ako na makumpleto ito at magamit ng ating mga minamahal na Bulakeños,” ani Go.
“Alam naman po natin na kailangan talaga ng suporta ng ating mga atletang Pilipino. Kaya sana ay ipagpatuloy lang natin ang ganitong mga proyekto at programa na makakapagbigay ng malawakang access sa maayos na sports facilities para mahasa pa sila lalo. Karamihan sa kanila, naipapatuloy lang ang kanilang pangarap sa pamamagitan ng paglalaro sa mga pribadong koponan,” dagdag pa niya.