BUSWAY SA EDSA TODO OPERATIONAL NA SA SETYEMBRE

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada!

Lubhang ikinagalak ng mga bus operator, gayundin ng mga mananakayang mamamayan, ang iniulat kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na magiging fully operational sa buwan ng Setyembre, taong kasalukuyan ang busway sa kahabaan ng EDSA na may  16 bus stops.

Ang naturang pahayag ng MMDA ay lubos na ipinagbunyi  ng mga magiging benepisyaro ng naturang programa,  lalo na ngayong marami sa mga frontliner ng  iba’t ibang establishments ang naging biktima ng lockdown bilang pagtalima sa COVID-19 protocol.

Sa isang briefing ng Laging Handa, ipinahayag ni spokesperson, Assistant Secretary Celine Pialago na may 9,000 concrete barriers ang nakatakdang iparating sa loob ng isang linggo para gamitin bilang panghati  sa gagawing busway.

Gayundin, sinabi ni Pialago na ang panukalang elevators para sa mga may kapansanang mananakay ay pinayagan na ng MMDA matapos itong isailalim sa inspeksiyon at handa na ang MMDA na ito ay ipatayo.

Binigyang-diin ni Pialago na natapos na ang pag-inspeksiyon sa nasabing mga bus stop at anumang oras, ang target time ay sa buwan ng Setyembre, taong kasalukuyan, ay magiging fully operational na ang lahat ng 16 bus stops sa kahabaan ng EDSA.

Dagdag na paliwanag ni Pialago, bago magkaroon ng  kasukdulang operasyon ang naturang proyekto, ang mga mananakayang mamamayan,  lalo na ang mga frontliner, ay magkakaroon ng pagkakataon na magamit  ang mga bus stops na tapos na at puwede  nang gamitin habang patuloy namang minamadaling tapusin ang iba para naman maibsan ang mananakayang mamamayan sa ganitong mga kaparaanan.

GRADUAL ANG OPENING NG BUS STOP

Ayon sa MMDA,  utay-utay (gradual) ang pagbubukas ng nasabing bus stops. Kung ano ang natapos samantalang nasa proseso ng konstruksiyon ay iyon ang papayagang gamitin.

Samantala, ipinahayag ni Pialago na sa kasalukuyan, apat na bus stops na sa kahabaan ng median lanes sa EDSA ang nagagamit na tulad ng Santolan, Ortigas, Guadalupe at Main Avenue.

Ikinamangha naman ng MMDA na higit na nagustuhan ng mga mananakayan ang pagsakay sa mga bus  kaysa pagsakay sa Metro Manila Transit Line 3 (MRT-3) na nagbalik na rin ang operasyon nitong nakaraang ilang mga araw.

Hinuha ng MMDA na mas pinili ng mga commuter na gamitin ang pagsakay sa mga bus matapos na madama nila ang maayos at kagandahan ng EDSA busway.

Sa kasalukuyan, ayon kay Pialago, may kabuuang 550 buses ang gumugulong na sa EDSA busway kabilang ang mga bus na nagse-service bilang bahagi ng  MRT-3 augmentation service.

Sa unang 15 araw ng Hulyo, ang busway ay 80 percent nang ganap na kumpleto na ang travel time para sa mga bus sa EDSA at nabawasan ng mula sa average na dalawa hanggang tatlong oras na ngayon ay umaabot na lamang sa 45 minutong paglalakbay kasama ang bus stop.  Kasangguni, Philippine News Agency.

TALIKDAN MUNA ANG MULTA SA LATE REGISTRATION

Isang lady solon ang nanawagan sa Land Transportation Office (LTO) kamakailan na talikdan na muna ang pagpapataw ng multa sa late registration ng mga sasakyan bunga ng lockdown protocol na pinaiiral sanhi ng COVID-19 pandemic.

Ang kahilingan ay ipinarating sa tanggapan ng LTO sa pamamagitan ni House Assistant Majority Leader and Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo.

Binanggit ni Rep. Castelo na libo-libong motor vehicle owners ang hindi nakapagparehistro ng kanilang mga sasakyan sa tamang panahon bunga ng quarantine  protocols na ipinatutupad kaugnay sa coronavirus pandemic.

Idinagdag ng lady solon na kahit na medyo nagkaroon ng pagpapagaan sa pagpapatupad ng mga itinakdang pagbabawal nitong nakaraang buwan, naging isa pa ring malaking suliranin ang pagdagsa ng napakaraming aplikasyon, idagdag pa rito na marami pa rin namang mga tanggapan ng LTO ang hindi pa tumatanggap ng aplikasyon para sa rehistrasyon ng sasakyan.

Marami pa ring LTO office na nagsipagbukas ang sumailalim sa lockdown upang disinpiktahan ang naturang mga tanggapan matapos na isa sa mga tauhanng ahensiya ay infected ng coronavirus, paliwanag ni Rep. Castelo.

Si Rep. Castelo, ang chairperson ng House Committee on Metro Manila Development,  ay nagsabi na ang agency ay nagbigay ng dalawang buwang palugitfor late registration bago patawan ng multa.

“Hindi sapat ang panahong ibinigay na palugit kung isasaalang-alang ang dami ng mga car owner na dumagsa sa tanggapan ng LTO para maghain ng kanilang aplikasyon para sa renewal ng kanilang car registration,  idagdag pa rito ang problema sa dami ng mga sasakyang sumasailalim sa smoke emission testing na humigit kumulang sa isang linggo bago matapos ang mga nakapilang sasakyan na isasailalim sa pagsusuri.

Binanggit ni Castelo na ang kanyang kahilingan sa LTO na talikdan muna ang pagpapataw ng multa sa late registration ay makatutulong sa mga vehicle owner  na malagpasan ang financial difficulties na bunga ng pandemya.

Samantala, libo-libo  namang car owners ang nagpapasalamat sa ginawang panawagan ni Rep. Castelo sa LTO na talikdan muna ang pagpapataw ng multa sa late registration ng mga sasakyan na anila ay malaking tulong sa kanilang pag-aagdong buhay sa panahon ng pandemyang dulot ng coronavirus.

Comments are closed.