CAMP CRAME – DAHIL sa insidente ng pambubugbog sa kanilang seniors, nahaharap sa summary dismissal proceedings ang siyam na Philippine National Police Academy (PNPA) cadets.
Ito ay nang asuntuhin sila ng serious physical injuries kasunod ng kasong administratibo na kinakaharap nila.
Kasalukuyang isolated ang 44 na kadete sa loob ng PNPA Silang, Cavite, na sangkot sa pambubugbog ng kanilang seniors.
Ayon kay PNP chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde bagamat sinampahan na ng kasong kriminal ang siyam na kadete hindi naman nakakulong ang mga ito.
Inihayag din ni Albayalde na hindi lahat ng 44 na kadete na involved sa pambubugbog ay sinampahan ng kaso.
Aniya, 23 sa mga kadete ay binigyan ng maximum 51 demerits, 180 confinement period at 181 touring hours.
Magugunitang makaraan ang commencement day noong Marso kung kailan nagtapos ang mga biktima, ay bumalik ang mga ito sa kanilang barracks kung saan sila nabugbog ng kanilang underclass.
Sinasabing resbak ang motibo kaya binugbog ng mga kadete ang kanilang seniors dahil sa sobrang higpit ng mga ito.
Ipinaliwanag noon ni dating PNP Chief Ronald Bato dela Rosa na sa Philippine Military Academy (PMA) ay mayroong ganoong seremonya sa pamamagitan ng dunking subalit walang personalan o bahagi lamang ng kanilang kapatiran o pagiging schoolmate. EUNICE C.
Comments are closed.