(Ni CT SARIGUMBA)
MAHILIG sa tinapay ang maraming Filipino. Bukod sa kanin, isa pa ito sa kinahihiligan nating mga Pinoy.
Sa umaga pa lang ay ito na ang kinakain ng marami. Paresan lang ng umuusok pang kape, almusal na. Panlaman tiyan na.
Hindi lamang din sa almusal kinahihiligan ang tinapay kundi maging sa merienda. O mas maganda yatang sabihing, walang panahon at oras ang pagkahilig natin sa tinapay. Kumbaga, kung kailan natin maisipang kumain nito ay puwede.
Maraming klase ng tinapay na maaaring pagpilian sa merkado. Bukod nga naman sa kilalang-kilala ng marami na pandesal at loaf bread, nariyan din ang Spanish bread, baguette, ensaymada, pan de red, pan de coco at kung ano-ano pa.
Kadalasan ay sa bakery o grocery tayo nakabibili ng iba’t ibang klase ng tinapay. Ngunit bukod sa pagbili, mainam din ang pagluluto o paggawa ng tinapay sa bahay.
Sa ngayon ay may mga homemade bread nang nilalagyan o ang pangunahing sangkap ay malunggay, carrots at kung ano-ano pang gulay.
Hindi nga naman natitigil ang pag-iimbento ng iba’t ibang lutuin ng marami—putahe man iyan, inumin o desserts.
Kunsabagay, hindi nga naman natitigil sa isang putahe o dessert ang pag-iimbento ng mga mahihilig magluto. Kadalasan ay pi-nasasarap nila ang isang putahe o dessert. Minsan naman ay iniisipan ito ng panibagong paraan ng pagluluto. May inilalahok ding kung ano-ano na mas lalong nagpapalinamnam sa isang lutuin.
At dahil hingi nga naman puwedeng itanggi ang kahiligan ng marami sa tinapay, isa sa maaaring subukang lutuin sa bahay ng bawat Mommy ay ang Buttermilk Cinnamon Rolls.
Kung sarap at sarap lang din ang pag-uusapan, hindi magpapahuli ang Buttermilk Cinnamon Rolls. Isa rin ito sa napakadali lang lutuin at tiyak na hahanap-hanapin ng bawat makatitikim.
Bukod sa kakaibang linamnam nito ay puwedeng-puwede pang ihanda kahit saan. Maaari rin itong ipabaon sa bagets o kahit kay Mister.
Simpleng lang ang paggawa nito. Ang mga sangkap na kakailanganin ay 2 (.25 ounce) packages ng active dry yeast, 1/4 tasa ng warm water, 1 1/2 tasa ng buttermilk, 1/2 tasa ng vegetable oil, 4 1/2 tasa ng all-purpose flour, 1 kutsaritang salt, 1/2 kutsaritang baking soda, 1/2 tasang tinunaw na butter, 1 1/4 tasang brown sugar, 1 1/2 kutsaritang ground cinnamon.
Paraan ng pagluluto:
Matapos maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, tunawin lamang ang yeast sa warm water. Pagkatapos ay mag-salang ng lutuan at initin ang buttermilk hanggang sa maging warm.
Pagsamahin naman ang buttermilk, vegetable oil at yeast. Haluing mabuti. Sa isa namng lalagyan, pagsamahin ang flour, salt at baking soda at saka unti-unting ihalo sa buttermilk mixture. Haluin hanggang sa makagawa ng dough. Kapag okey na ang dough, iwanan muna ng 15 minutes.
Sa isa pang bowl, paghaluin naman ang butter, brown sugar at cinnamon. Pagkatapos ay i-roll ang dough sa lightly floured sur-face at gawing malaking rectangle. I-spread sa ginawang large rectangle ang brown sugar and butter mixture at saka i-roll at i-seal ang dulo.
Pagkatapos ay hiwain na ito ng 1 inch piece at ilagay sa nakahandang baking pan. Takpan muna sa loob ng 30 minuto.
Painitin ang oven sa 400 degrees F at i-bake ang Buttermilk Cinnamon Rolls.
Kapag naluto na, puwede na itong pagsaluhan ng pamilya.
Kaysa nga naman ang bumili pa, kung mayroon naman kayong oven ay bakit hindi na lang kayo gumawa ng Buttermilk Cinna-mon Rolls o kahit na anong tinapay na magugustuhan ng buong pamilya.
Oo nga’t mas madali lang ang bumili. Pero sa simula ka lang naman mahihirapan sa pagbe-bake o paggawa. Kapag sanay ka na, madali ka nang makapagluluto o bake.
Mas mapasasarap mo rin ang kahit na anong ihahanda mo sa iyong pamilya—dessert man o ulam—kung ikaw mismo ang ga-gawa o magluluto nito.
Kaya huwag tamaring magluto at mag-bake.
Comments are closed.