BINULABOG ng bomb threat ang mga pasahero ng Butuan Airport na siyang dahilan upang maantala ang operasyon at mga flight sa nasabing paliparan.
Ayon sa report na nakarating sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nakatanggap ng text message ang Butuan Airport Police station bandang ala-5:14 kamakalawa ng hapon kaugnay sa bomba na nakalagay sa bagahe ng isang pasahero galing Cebu papuntang Manila sa may comfort room ng boarding area ng airport.
Agad naman humingi ng saklolo ang command system ng CAAP sa mga kinauukulang upang maprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero.
Kasabay nito, nakipag-coordinate na rin ang CAAP sa Security and Intelligence Service (CSIS) personnel para sa seguridad ng airport.
Nagtulong-tulong ang grupo upang hanapin ang sinasabing bomba sa ibat-ibang sulok ng airport, hinalughog din ang boarding area, comfort room, passengers terminal building ngunit walang nakitang bag o bomba na iniwan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), at binalaan ang may gawa na isa itong paglabag sa RA 1727, o kilala sa tawag na Bomb Threat na may parusang limang taon na pagkakulong at multa na hindi bababa sa P40,000.
FROILAN MORALLOS