BILANG pagdiriwang ng International Peoples with Disabilities ngayung buwan ng Disyembre, nagbukas ang Silab ArtReach art exhibit, tampok ang mga likha ng mga artists mula sa Differently-abled Filipino Artists Community (DAFAC) na pinangungunahan ni Nestor Emocling, kasama rin ang Metro Manila People’s with Disabilities Vendors Association sa pamumuno ni Tinn Hebron.
Sa pagbubukas ng exhibit, hinikayat pa si Hebron ang Silab ArtReach na mag-imbita ng mga PWDs. Ayon din kay Flora ng Payatas, kahit may kapansanan ay makakapagpinta.
Sa pagbigay diin ni Teacher Nick, dapat bigyan ng halaga ang kakayanan ng bawat isa. May 17 taon na siyang nagtuturo ng pagpipinta at sa Robinson’s Metro East naman ay may 6 taon na siyang nagtuturo ng libre sa mga PWDs tuwing Linggo.
“Ang tunay na magaling magpinta ay kayang ilipat ang galing sa tinuturuan,” sabi ni Teacher Nick.
Suportado si Teacher Nick ng mga kasamahan sa sining tulad ni Beni Guzman na nagmula pa sa Nueca Ecija at Jes Evangelista, isang visual artist mula sa UP. Aktibo silang ituloy ang naumpisahan ni Teachet Nick para sa mga may kakayanang magpinta.
Ani Evangelista, “lahat tayo ay may purpose kaya naririto, may abilidad at para rin maka-connect.”
Nagbahagi si Hector Oliver, isang magulang na naniniwala sa kakayahan ng Silab ArtReach, tungkol sa karanasan ng anak na si Karl na nakapag-exhibit ng kanyang ipininta sa piña cloth sa New York sa inisyatibo ng isang pinoy fashion designer noong 2018.
Si Doris naman mula Las Pinas ang nagsabing, “ang pagpipinta ay pang-alis ng inis.” Binigyang pansin niya ang pabago-bagong mood ng mga may kapansanan, na maaaring ngayon ay OK, bukas ay hindi.
Mapalad ang grupo dahil nagpaunlak si Dr. MA. Liza Tuazon na magbahagi ng kanyang pakikipag-ugnayan at pagtuturo sa mga may kapansanan na kanyang binansagang PMD, Pilipinong May Determinasyon. Si Dr. Tuazon ay Program Directress ng CampABLE, na kung saan sinasanay ang mga Learners with Disabilities (LWDs) na matuto ng Life Skills, tumayo para sa sarili lalo na kung wala na ang mga magulang.
Sa pagtatapos ng programa, inawit ni Teacher Nick ang kanyang komposisyong “Ikaw.”
Ang exhibit ay mamamalas hanggang ika-10 ng Enero 2022 sa Level 3 ng Robinson’s Metro East, Pasig City.