ni Riza Zuñiga
Pagpapalakas. Pagkakaroon ng Tinig. Pagpapayaman ng Kaalaman. Pagbibigay sa halaga ng Kababaihan. Ilan lamang sa mga pagtugon sa hamon sa kakayahan ng kababaihan na tumatalima sa tema ng “We for Gender equality and inclusive society.”
Ang sub-theme ay “Lipunang Batas sa Bagong Pilipinas; Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”
Ilan sa mga kababaihang ipinagkakapuri sa “2024 Women of Power: Breaking Barriers, Building Bridges – A Tribute to Women’s Leadership and Resilience” ng Philippine Daily Inquirer ay sina Atty. Grizelda Mayo-Anda, mula sa Environmental Legal Assistance Center, Inc. (ELAC) at Victoria Tauli-Corpuz, mula sa Tebteba (Indigeneous People’s International Center for Policy Research and Education). Ang ELAC at Tebteba ay miyembro din ng Alternative Law Groups, grupong kumikilala sa kakayahan ng mga kababaihan sa batas at pamumuno sa bansa.
Nakatakda ring ilabas ang bagong nailimbag ng San Anselmo Publicatios, Inc, “Six Filipino Women for Justice” inedit ni Asuncion David Maramba. Ang anim na kababaihang nabanggit ay ang dating Senador Leila De Lima, Sen. Risa Hontiveros, dating VP Leni Robredo, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Maria Ressa at Sr. Mary John Mananzan. Sila ang mga kababaihang nanindigan sa hamon ng lipunan na ipaglaban ang reporma at pagmuni-muni sa tunay na kakanyahan ng hustisya.
Pinatunayan din ang galing ng mga kababaihan sa sining biswal, isang kompetisyon sa sining ng Zonta Club of Makati and Environs, SM Supermalls at BDO Unibank, Sining Filipina 2024, ang nanalo sa Non-Figurative Category sa painting ay sina Maria Gemma San Jose, First Place; Maria Melissa Sangoyo, Second Place; at Isabelita Rodillo, Third Place. Sa Figurative Category, ang nagwagi ay sina Hanna Joy Sayam, First Place; Luckyshia Jenielou Canonigo, Second Place; at Ma. Christina Baltero, Third Place.
Ipinamalas din ang galing ng ilang kababaihang artists sa isang group exhibition sa Imahica Gallery, La Moderna Filipina 2024, pinangunahan nina Naomi Banal at Renalli Trajano, kasama ang ilang magagaling na visual artists sa bansa upang magbigay ng inspirasyon, harapin ang hamon at basagin ang mga hangganan sa lipunan; ang ilan sa kanila ay nagpakita ng mga bagong likha sa abstract: sina Alexandra Monserrat, Allasha Arador, Alicia Lazo, Ayen Quias, Denise Heredia, Elle, Gaudite, Katey Oliva, Lhean Storm, Malca Borlagdan at Nicole Asares.
Maski sa larangan ng arkitektura, ilan din ang kababaihang nasa larangan ng design at build, isa na si Architect Mary Rajelyn Busmente, na tumutugon sa tawag ng restoration at construction, kasalakuyang abala sa documentation ng Manila Post Office, proyekto sa Intramuros at ilang proyektong para pagtuunan ang pamana at konserbasyon. Sa kasalukuyan ay nagsasanay na ng mga batang arkitekto na susunod sa kanyang yapak.
Sa pagdaan ng panahon, hindi maisasantabi ang kakayahan ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan: sa medisina, inhenyeriya, abogasya, pulitika, kalikasan, laro o isports, at iba pang inisyatiba ng mga kababaihan sa pamayanan. Sa katunayan sa kongreso ay tumataas na ang bilang ng mga kababaihang representative, sa kasalukuyan ay mayroon ng 86 mula sa kabuuang 316 seats, 69 ang district representatives at 17 ang party list representatives. Sa senado, nananatiling maliit pa ang bilang ng kababaihan sa bilang na pito lamang. Bagama’t maliit pa ang bilang, nagkakaroon naman ng pagtugon sa pangangailangan ng mga kababaihan lalo na sa kalusugan, kagalingan at kabuhayan.