TUWING Pebrero ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Segurong Pangkalusugan o National Health Insurance Month sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1400 s.2007 na nagpapakilala sa kahalagahan ng segurong pangkalusugan sa bawat Filipino.
Ang National Health Insurance Program (NHIP), bilang isang social health insurance (SHI) scheme, ay isang pamamaraan sa pagpopondo para sa kalusugan ng mamamayan gamit ang konsepto ng risk pooling. Ang mga pondo ay pinagsasama-sama na siyang ginagamit para tugunan ang pangangailangang medikal ng mga miyembro.
Sa madaling salita, ang NHIP ay isang sistemang Bayanihan kung saan ang mga nasa kabataan ay tumutulong sa mga matatanda, ang malulusog ay sumusuporta sa mga maysakit, at ang mga may kakayanang pinansiyal ay tumutulong sa mga mahihirap at iba pa gaya ng senior citizens at persons with disabilities.
Ang PhilHealth bilang tagapangasiwa ng NHIP ang nangunguna sa pagdiriwang na ito kasabay ng kaniyang ika-28 anibersayo ngayong Pebrero 14 na may temang “Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino”.
Layunin ng ahensya na mapataas ang kamalayan ng publiko tungkol sa segurong pangkalusugan at mahikayat ang mga partners nito na tupdin ang kanilang katungkulan upang masiguro ang tagumpay ng programa, gaya ng regular na pagbabayad ng kontribusyon, tamang pagre-remit at pagre-report ng mga employers, pagsusumite ng “good” claims ng mga ospital, at iba pa.
Magandang oportunidad din ito na ipaalam sa publiko ang mahalagang ginagampanan ng PhilHealth sa kalusugan ng pamilya sa pamamagitan ng mga benepisyo kapag naoospital. Sa panahaon ng pandemya pa lamang, ang PhilHealth ay nakapagbayad ng P307.70 bilyon para sa mahigit 33.93 milyong benefit claims ng mga miyembro at kanilang dependents. Hinihikayat ng PhlHealth ang mga tanggapan ng gobyerno, lokal na pamahalaan, mga ospital, mass media at lahat ng mamamayan na suportahan ang selebrasyong ito at tulungan ang ahensiya na matupad ang mandato nitong mabigyan ng sapat na segurong pangkalusugan ang lahat ng Filipino.