SINISIGURO ni House Speaker Ferdinand Romualdez na ang 2024 National Budget na P5.768 trilyon ay gagastahin ng pamahalaan sa mga nararapat na proyekto at serbisyo na inaasahan ng mamamayan.
Ayon kay Speaker Romualdez sa isang panayam , “our 2024 budget ay galing sa pawis ng mga tao kaya dapat lang na gamitin ito sa tama”.
Paliwanag ni Romualdez, “ito ang ginagawa natin ngayon dito sa mga budget hearing sa Kongreso to make sure walang masayang sa buwis na binayad ng mga tao kaya we have to scrutinize every peso and every centavo na hinihingi ng ating mga ahensya”.
Ayon naman kay House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Elizady Co ang Department of Education (DepEd) ang may pinakamalaking share na isinumite ng Malacañang sa 2024 budget na nasa P924.7 bilyon.
“Nakasaad kasi sa ating Saligang Batas na ang DepEd lagi ang dapat bigyan ng malaking halaga ng national budget,” paliwanag ni Cong. Co.
Sumunod na makakakuha ng malaking budget allocation ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa P822.2 bilyon.
Ang Department of Health (DOH) ay nasa pangatlong ahensya na makakakuha ng malaking piraso ng 2024 national budget na sinundan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND) at iba pa.
“What we want is to give our people their money’s worth through quality education of their children at maraming mga imprastraktura para makapaglikha ng mga trabaho at mas madaling ibaba ang mga produkto sa merkado,” dagdag pa ni Speaker.