BUWIS SA ONLINE BIZ IDINEPENSA NG MALAKANYANG

ONLINE BUSINESS-2

DATI nang polisiya ang pag-aatas sa mga online seller na magparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at magbayad ng buwis, ayon sa Malakanyang.

Sa isang televised briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ipinatutupad lamang ng administrasyong Duterte ang polisiya na binuo noong termino ni BIR Commissioner Kim Henares.

“Ipinatutupad lang po natin ang instruction at isang batas na pinasimulan ni Presidente Noynoy Aquino,” ani Roque.

Sa record ng BIR ay lumilitaw na inisyu ni Henares ang Revenue Memorandum Circular 55-2013 noong August 2013, na nagpapaalala sa mga  nasa online business ng kanilang tax obligations.

Nakasaad din sa 2013 circular na ang sinumang nasa  internet commerce na hindi magbabayad ng buwis ay mahaharap sa parusa.

Ang hakbang ng BIR na buwisan ang online sel­ling ay umano ng batikos mula sa mga mambabatas na tinawag itong ‘bad timing’ at ‘insensitive’ sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa halip ay ipinanukala ni Senate  Majority Leader Miguel Zubiri na patawan ng malaking buwis ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Nilinaw rin ni Roque na ang online sellers na kumikita ng P250,000 at pababa taon-taon ay hindi kasali sa magbabayad ng buwis.

Comments are closed.