BUWIS SA PAGMIMINA KAILANGANG PAG-ARALAN PA

Joe_take

ANG Pilipinas ay hitik sa likas na yaman. Ang lokasyon nito sa tinatawag na Pacific Ring of Fire, kung saan maraming aktibong bulkan, ang isa sa mga dahilan kung bakit ang Pilipinas ay kinikilala rin bilang isa sa mga bansang mayaman sa mga mineral gaya ng ginto, nickel, tanso, at chromite.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang ahensiya ng pamahalaan na pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa 30 milyong ektarya ng lupa ang maaaring mapagkuhanan ng mga metalikong mineral sa bansa. Samantala, nasa humigit kumulang siyam (9) na milyong ektarya naman ang lupang natukoy na mayroong mataas na potensiyal ng pagkakaroon ng mineral.

Malaki rin ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa datos ng MGB noong Hulyo 2022, umabot sa P180.71 bilyon ang kontribusyon ng paglikha ng metalikong mineral noong 2021. Samantala, nasa US$ 6.27 bilyon naman ang kontribusyon ng pag-export ng mineral. Ang mga kontribusyon mula sa mga buwis, iba pang singil, at royalties noong 2020 ay umabot naman sa P30.77 bilyon.

Mismong si Finance Secretary Benjamin Diokno na rin ang nagsabi na ang industriya ng pagmimina ang isa sa mga industriyang maaaring makapagbigay ng malaking kontribusyon sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa at sa pangmatagalang paglago nito, lalo na’t mataas ang presyuhan ng mga metal sa pandaigdigang merkado. Aniya ang pagiging mayaman ng bansa sa metalikong mineral ay madaling makahihikayat ng mga mamumuhunan sa bansa.

Ikinagalak naman ng Chamber of Mines of the Philippines ang mga pahayag na susuportahan ng bagong administrasyon ang industriya ng pagmimina at ituturing bilang isa sa mga maaaring makapagbangon ng ekonomiya ng bansa. Napakalaking pagbabago nga naman nito kumpara sa lampas isang dekadang operasyon ng industriya sa ilalim ng mga mahihigpit na polisiya.

Maituturing din na malaking tulong ang ginawang pagtanggal ng moratorium sa mga bagong permit para sa pagmimina. Bunsod nito, mas lalaki ang posibilidad na dumami ang mga banyagang mamumuhunan sa bansa.

Subalit tila wala talagang perpektong sitwasyon. Kasabay ng pangakong mas matinding suporta mula sa pamahalaan ay ang paglutang naman ng panukalang batas ukol sa bayarin sa buwis na isinumite kamakailan ng House Ways and Means Committee. Ayon sa Chamber of Mines, wala anilang konsultasyong naganap ukol dito. Samakatuwid, hindi sila nabigyan ng pagkakataong ipaliwanag sa komite na ang pagpapataw ng mabigat na buwis ay magreresulta sa industriya ng pagmimina sa Pilipinas bilang isa sa mga may pinakamataas na buwis sa buong mundo.

Isa na naman itong matinding hamon para sa industriya ng pagmimina. Kapag naging ganap na batas ang panukalang ito, ang tatlong malalaking mga proyekto ng industriya sa bansa, sa halip na nakatutulong sa ekonomiya, ay maaaring malagay sa alanganin. Maaari ring magsara ang ilan sa mga malalaking operasyon ng pagmimina. Kapag nangyari ito, tiyak na marami ang mawawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.

Pinalad akong makausap si Chamber of Mines Chairman Atty. Mike Toledo. Aniya, sila ay kaisa ng pamahalaan sa paglalatag ng ahenda kung paano pauunlarin ang industriya ng pagmimina upang makatulong ito sa pagbangon at pagpapalago ng ekonomiya ng bansa. Subalit kailangan din nila ng suporta upang mas patatagin ang industriya sa pamamagitan ng mga polisiyang mag-aangat dito. Ang Chamber of Mines ay umaasa na ang kanilang panawagan ukol sa pagsiguro na magiging makatwiran ang buwis ay mapakikinggan para sa tuluy-tuloy na paglakas ng industriya ng pagmimina.

Upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa bansa, isa sa dapat masiguro ay ang pagkakaroon ng matatag na mga polisiya. Ang panukalang batas na ito ukol sa mabigat na buwis para sa industriya, kapag naisabatas na, ay maaaring magtaboy sa mga potensyal na imbestor dahil sa taas ng kakailanganing kapital para mamuhunan dito. Alalahanin na hindi lamang ang Pilipinas ang bansang mayaman sa metalikong mineral. Tiyak akong hindi magiging mahirap para sa mga imbestor ang humanap ng ibang bansa kung saan sila mas makakapamuhunan ng mas matiwasay. Kailangan natin ngayon, higit sa lahat, ang pagpasok ng mga imbestor sa bansa upang mas mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya.

Nawa’y pag-aralang mabuti ng kongreso ang panukalang batas na isinumite ng Committee on Ways and Means. Sa aking personal na pananaw, napakahalaga ang mabigyan din ng pagkakataon na mapakinggan ang mga stakeholders bilang partidong maaapektuhan ng panukalang batas. Marami pang mga metalikong mineral ang maaaring matagpuan sa bansa at kailangan natin ng mga imbestor para rito. Mahalagang isaisip kung ano ba talaga ang nais nating mangyari para sa industriya at ano ba ang kinakailangan nito sa kasalukuyan. Alin bang diskarte ang magiging mas kapaki-pakinabang at malaking tulong para sa mga mas nakararami?