BUWIS SA POGOs LEGAL?

Erick Balane Finance Insider

MATIGAS ang paninindigan ni Solicitor General Jose Calida na hindi maaaring patawan ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lumalagong industriya ng Philippine Off-Shore Gaming Operators  (POGOs) base sa pinanggagalingan ng kanilang kita.

Sa kabila ng mariing pagtutol ni Calida, patuloy namang ipinasasara ni BIR Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa, sa utos ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, ang mga online gambilng na tumatangging magbayad ng kaukulang buwis dahil sa hindi pagsunod sa pangongolekta ng buwis mula sa mga Chinese at iba pang foreign operators at workers. Sinabi ni Calida na nakapaloob sa inamyendahang National Internal Revenue Code noong 1997 sa ilalim ng ‘source of income principle’ na hindi maaaring patawan ng buwis ang POGO.

Ang pahayag ni SolGen Calida ay inayunan ni former BIR Regional Director Martinez na isa sa legal consultants ng POGOs.

“Ultimately, an off-shore based operator’s income is the placement of bets on its online betting facility – which are derived from sources without (outside) the Philippines,” ani Martinez.

Pero para kina Albay Rep. Joey Salceda at Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante, hindi maaaring magnegosyo sa Filipinas ang mga POGO na  hindi nagbabayad ng buwis.

Maging sa opinyon ng Department of Justice (DOJ) ay dapat na buwisan ang POGOs.

Sa kanyang report kay Dominguez, sinabi ni DepCom Guballa na inisyal na nakakolekta ang BIR mula sa  foreign workers ng POGOs ng P1.4 bilyon mula lamang buwan ng Agosto ng taong ito. Nadagdagan pa ito ng P230 million kaya umabot sa P1.63 bilyon.

“Our collection is improving because they know that we’re doing enforcement activity. As you know, our dialogue with them had lapsed, we sent them notices and they are no complying so we did the raid,” paliwanag ni DepCom Guballa.

Sinalakay ng mga tauhan ng BIR ang tanggapan ng POGOs sa Quezon City, Parañaque at Pasay, maging sa San Fernando, Pampanga, sa pamumuno nina QC-A Regional Director Albin Galanza; Makati City-B Regional Director Glen Geraldino, assistant nitong si  Director Bobby Mailig; San Fernando, Pampanga Regional Director Ed Tolentino at Parañaque BIR Revenue District Officer Jun Mangubat.

Sinabi ni DepCom Guballa na mino-monitor na ng BIR ang mahigit sa 218 POGO service providers sa bansa na tinatayang may 108,914 foreign employees, karamihan ay Chinese nationals.

Ipinaliwanag ni DepCom Guballa na patuloy pa rin ang prosesong isinasagawa nila para mapagkalooban ng TIN (tax identification number), na isang pre-employment requirement para sa application ng mga foreign worker sa kanilang working permit sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa legalisasyon ng kanilang trabaho.

Una nang sinabi ni Secretary Dominguez na kayang makakolekta ng P2 bilyong buwis kada buwan ang BIR sa mga Chinese worker o P24 bilyon kada taon.

“We should also make sure that every taxpayer is treated fairly. We will go after foreign nationals and the employers, such as those in the POGO industry, who fail to withhold and remit their contributions to pay for the public goods and services that we all use and enjoy,” ani Secretary Sonny.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.