BUY AND SELL AGENT NIRATRAT

BATANGAS- PINAGBABARIL ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang isang lalaki sa harapan ng isang pawnshop kahapon ng umaga sa Poblacion, Balayan sa lalawigang ito.

Dead on the spot dahil sa anim na tama ng bala ng baril ang biktimang nakilalang si Jimmy Mirabueno, 38-anyos, may- asawa at buy and sell agent ng furnitures.

Ayon kay Major Alverto Nogoy Jr, Balayan Chief of police, papasok umano ang biktima sa receiving area ng pawnshop nang dumating ang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki na naka- bonnet at head cap.
Base sa kopya ng CCTV ng pawnshop, makikitang bumunot ng baril ang angkas at mabilis na pinagbabaril si Mirabueno.

Nadamay naman ang guwardiya ng nasabing establisimiyento nang tamaan ng ligaw na bala ang kanang hita nito.

Mabilis na tumakas ang dalawang salarin.

Sa isinagawang imbestigasyon, minsan na raw nasangkot ang biktima sa isyu ng droga at problema sa ilang ka- transaksyon nito.

Anim na basyo ng kalibre .45 ang narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen.
ARMAN CAMBE