NAKATAKDANG babaan ng Department of Agriculture (DA) ang buying price ng palay ng National Food Authority (NFA) upang makatulong sa pagpapagaan sa retail price ng bigas sa wet harvest season.
“World prices, medyo bumaba na rin and hindi bababa ang price ng bigas sa merkado kung ang buying price (of palay) pa rin ng trader at gobyerno ay mataas,” pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang ambush interview nitong Miyerkoles sa sidelines ng Senate committee budget hearing.
“Hindi na ho P30. As of today P26, P27 na. By next week, nag-usap na kami ni NFA Administrator Larry Lacson, ibababa natin to P23. But of course, we have to inform the farmers first para hindi sila ma-shock,” ani Tiu Laurel.
Sa ilalim ng mas mataas na buying price scheme ng NFA, ang presyo ay naglalaro sa P17 hanggang P23 kada kilo para sa fresh o wet palay at P23 hanggang P30 kada kilo para sa clean and dry palay.
Gayunman, tiniyak ni Tiu Laurel na tutubo pa rin ang mga magsasaka sa kabila ng pagbaba sa buying price.
Sa kanyang panig, sinabi ni Lacson na ang mas mababang buying price ay mananatili sa range upang makalaro sa merkado.
“It’s not really an abrupt going down of price. As mentioned by the Secretary na in a matter of 8 to 10 days, bababa na iyan,” aniya. “Sabi niya nga nasa P25 to P27, so if you make it P23 to P25, that’ P2 less doon sa band. Iyon lang ang ibig sabihin noon, it’s not absolute, range pa rin iyon.”
Dagdag pa ni Lacson, ang hakbang ay makatutulong din sa NFA upang makabili ng mas maraming palay para sa national rice buffer stock at matulungan ang mas maraming magsasaka.