BUZZER-BEATER (3-pointer ni Barnes binuhat ang Kings vs Suns)

ISINALPAK ni Harrison Barnes ang tiebreaking 3-pointer sa buzzer na naging tuntungan ng bisitang Sacramento Kings, makaraang masayang ang late 13-point lead, para maitakas ang 110-107 panalo kontra Phoenix Suns.

Nagbuhos si Buddy Hield mula sa bench ng team-high 26 points, tumapos si Barnes na may 22 at nag-ambag si De’Aaron Fox ng 18 para sa Kings, na pinutol ang two-game losing streak

Nanguna si Devin Booker para sa Suns na may game-high 31 points at nagdagdag si DeAndre Ayton ng 21, kasama ang game-high 21 rebounds, ngunit hindi na nakalamang ang Phoenix makaraang mabitawan ang bentahe sa huling bahagi ng third quarter.

Matapos na maghabol ang  Kings ng hanggang 12 sa first half, isang 3-pointer ni Tyrese Haliburton ang nagbigay sa visitors ng 101-88 bentahe, may   5:42 ang nalalabi, bago rumesbak ang Suns.

Gumawa si Booker ng 9 points sa huling sandali at kumana si  Jae Crowder ng pares ng 3-pointers, at nang idakdak ni Mikal Bridges ang steal ni Crowder, nakumpleto ng  Suns ang 19-6 run upang itabla ang talaan sa 107-all, may 34.7 segundo ang nalalabi.

Nasayang nina Barnes at Booker ang pagkakataon na mabasag ang pagtatabla bago kinuha Barnes ang inbounds pass mula kay Davion Mitchell, may  1.4 segundo ang nalalabi, at isinalpak ang kanyang game-winner mula sa 3-point arc sa left wing.

HEAT 106, NETS 93

Tumirada si Bam Adebayo ng 24 points at 9 rebounds nang gapiin ng bisitang Miami Heat ang Brooklyn Nets, 106-93, sa New York.

Tinampukan ni Adebayo ang 8-for-17 showing ng apat na dunks. Bumanat siya ng dalawang sunod na  dunks upang bigyan ang Miami ng 98-89 bentahe, may 3 1/2 minuto ang nalalabi.

Nakakuha si Adebayo ng suporta kay Jimmy Butler na nakakolekta ng 17 points, 14 rebounds, 7 assists at 4 steals.

Ang ‘big nights’ nina Butler at Adebayo ay nakatulong sa Miami para maitarak ang commanding 62-42 rebounding margin.

Nagdagdag si P.J. Tucker ng 15 points at 7 boards para sa Heat na nalusutan ang 39.6 percent shooting. Tumipa sina Dewayne Dedmon at Tyler Herro ng tig-14  points.

Pinangunahan ni Kevin Durant ang lahat ng scorers na may 25 points, ngunit bumuslo lamang ang Nets ng 38.8 percent at umiskor ng dalawang baskets sa huling 4:33.

Nalasap ng Nets ang ikatlong pagkabigo sa limang laro ngayong season.

Nag-ambag si Joe Harris ng 15 points at kumabig si James Harden ng 14 para sa Brooklyn, na bumuslo ng 32.6 percent mula sa arc.

THUNDER 123, LAKERS 115

Nagbuhos si Shai Gilgeous-Alexander ng 27 points upang tulungan ang host Oklahoma City Thunder na burahin ang 26-point deficit at pataubin ang Los Angeles Lakers, 123-115.

Ito ang unang panalo ng Thunder sa season.

Naglaro ang Lakers na wala si LeBron James sa ikalawang sunod na laro dahil sa right ankle soreness.

Nagbida si Anthony Davis para sa Lakers na may 30 points habang nagdagdag si Russel Westbrook ng 20 points, 14 rebounds at 13 assists. Gumawa rin si Westbrook ng 10 turnovers.

Sa iba pang laro, ginapi ng Portland Trail Blazers ang Memphis Grizzlies, 116-96; naungusan ng Minnesota Timberwolves ang Milwaukee Bucks, 113-108; namayani ang Toronto Raptors kontra Indiana Pacers, 118-100; nadominahan ng Washington Wizards ang Boston Celtics, 116-107; ibinasura ng Charlotte Hornets ang Orlando Magic, 120-111; at nasingitan ng Atlanta Hawks ang New Orleans Pelicans, 102-99.