NAISALPAK ni Jae Crowder ang isang 3-pointer habang paubos ang oras sa overtime upang bitbitin ang host Memphis Grizzlies sa 134-133 panalo laban sa Brooklyn Nets noong Linggo.
Abot-kamay na ng Brooklyn ang ikalawang panalo sa tatlong laro makaraang mabigong makakonekta si Memphis rookie Ja Morant kay Kyle Anderson sa inbounds pass, may 8.1 segundo ang nalalabi.
Naipasok ni Spencer Dinwiddie ang isa sa dalawang free throws upang palobohin ang kalamangan ng Nets sa 133-131, subalit isinet up ni Morant si Crowder para sa game-winning shot sa ibabaw ng arc. Naitala ni Morant ang 17 sa kanyang 30 points sa fourth quarter at inihatid ang laro sa overtime sa well-timed block kay Kyrie Irving habang paubos ang oras.
Bumuslo si Dillon Brooks ng 9 of 15 shots mula sa field para sa 21 points at binura ng Grizzlies ang eight-point deficit, may 3:20 ang nalalabi sa fourth quarter upang iposte ang kanilang unang panalo sa season.
TRAIL BLAZERS 121,
MAVERICKS 119
Sa likod ng 35 points mula kay CJ McCollum, 28 kay Damian Lillard at 20 kay Rodney Hood, nalusutan ng Portland ang matamlay na first half upang maitakas ang clutch victory sa Dallas.
Isang lefty layup ni Lillard, may 26.8 segundo ang nalalabi, matapos ang shot-clock violation ng Mavericks, ang nagbigay ng bentahe sa Blazers at hindi na lumingon pa.
Nanguna si Kristaps Porzingis para sa Dallas na may 32 points, 9 rebounds at 5 assists, habang tumipa si Luka Doncic ng 29 points, 12 rebounds at 9 assists.
LAKERS 120,
HORNETS 101
Naiposte ni Anthony Davis ang 25 sa kanyang 29 points sa first half nang gapiin ng host Los Angeles ang Charlotte. Kumalawit din si Davis ng 14 rebounds at humataw ng 3 blocks.
Umiskor si LeBron James ng 20 points, nagbigay ng 12 assists at humugot ng 6 rebounds. Nagdagdag si Dwight Howard ng 16 points sa 8-of-8 shooting, humugot ng 10 rebounds at nagtala ng apat na blocked shots para sa Lakers.
Pinangunahan ni Miles Bridges ang Hornets na may 23 points. Tumapos si Cody Zeller na may 19 points, 14 rebounds (7 sa offensive end), 3 blocks at 3 steals. Gumawa rin si Terry Rozier ng 19 points, habang nagdagdag si Dwayne Bacon ng 15 points para sa Hornets.
TIMBERWOLVES 116, HEAT 109
Naitala ni Andrew Wiggins ang 16 sa kanyang 25 points sa fourth quarter, kabilang ang tatlong sunod na 3-pointers, upang pangunahan ang Minnesota kontra Miami sa Minneapolis.
Sa loob lamang ng mahigit apat na minuto, umiskor si Wiggins ng 16 sa 17 points ng Minnesota kung saan binura ng Wolves ang 96-93 deficit at itinala ang 110-101 kalamangan. Bago ang stretch, si Wiggins ay 0-for-5 sa 3-pointers sa laro. Pagkatapos ay naipasok niya ang limang sunod na tira, kabilang ang apat na tres, sa 17-5 run.
Tumipa si T-Wolves big man Karl-Anthony Towns ng 23 points at 11 rebounds subalit natahimik siya matapos ang 15-point first quarter.
Ang Miami ay pinangunahan ni rookie guard Kendrick Nunn na umiskor ng 25 points.
Thunder 120, Warriors 92
Tumabo si Dennis Schroder ng 22 points nang igupo ng host Oklahoma City ang Golden State.
Nagdagdag sina Danilo Gallinari ng 21 points at Shai Gilgeous-Alexander ng 19 sa panalo.
Nanguna si Stephen Curry para sa Golden State na may 23 points ngunit 2 of 9 lamang sa 3-point line.
Comments are closed.