BUZZER-BEATER (61-footer ni Graham nagbigay ng panalo sa Pelicans vs Thunder)

KINAMADA ni Devonte’ Graham ang isa sa ‘greatest game-winning buzzer-beaters’ sa kasaysayan ng NBA, sumandal sa isang 61-footer upang igiya ang New Orleans Pelicans sa kapana-panabik na 113-110 panalo kontra Oklahoma City Thunder nitong Miyerkoles.

Nauna rito, isinalpak ni Shai Gilgeous-Alexander ng Thunder ang isang malayong 3-pointer, may  1.4 segundo ang nalalabi upang itabla ang laro.

Ayon sa ESPN, ang tira ni Graham ang pinakamalayong game-winning buzzer-beater sa NBA sa nakalipas na 25 taon. Bukod dito, sinabi ng ESPN na ang thriller noong Miyerkoles ang unang laro sa huling  25 seasons na tinampukan ng dalawang tying o go-ahead baskets mula sa hindi bababa sa 30 feet sa huling limang segundo ng laro.

Bago ang tira ni Graham, naitala ni Brandon Ingram (34 points) ang naunang 10 points ng Pelicans. Naitabla niya ang laro sa pamamagitan ng layup at binigyan ang visitors ng kalamangan sa pamamagitan ng isang steal at isang dunk sa sumunod na possession.

Tumipa si Jonas Valancuinas ng 19 points at 16 rebounds para sa New Orleans, habang nagdagdag si Graham ng 15 points at 8  assists.

Tumirada si Gilgeous-Alexander ng 33 points upang pangunahan ang Thunder, kung saan naipasok niya ang lahat ng kanyang siyam na free throws. Sa katunayan, naisalpak ng Oklahoma City ang 19 sa free-throw tries nito — 14 sa fourth quarter.

LAKERS 107, MAVERICKS 104 (OT)

Isinalpak ni Austin Reaves ang isang 3-pointer, may isang segundo ang nalalabi sa overtime at kumubra si LeBron James ng 24 points nang gapiin ng bisitang Los Angeles ang Dallas para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Nagsalansan si Russell Westbrook ng 23 points, 10 rebounds at 9 assists para sa Lakers, na humabol mula sa seven-point deficit sa kalagitnaan ng fourth quarter at naitabla ang laro sa 93 sa tres ni Wayne Ellington, may dalawang segundo ang nalalabi sa regulation.

Nagbalik si Anthony Davis mula sa two-game absence at nakalikom ng  20 points at  12 rebounds para sa Los Angeles, na nanalo sa ika-6 na pagkakataon sa nakalipas na walong laro. Tumapos si Reaves na may career-high 15 points. Umiskor si Jalen Brunson ng 25 points upang pangunahan ang Dallas, at nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 23 points at  12 rebounds.

HEAT 101, 76ERS 96

Nagbuhos si Gabe Vincent ng career-high 26 points, kabilang ang career-best seven 3-pointers, upang bitibitin ang Miami kontra host Philadelphia.

Isang tres ni Vincent, may 39.2 segundo ang nalalabi, ang bumasag sa 96-96 pagtatabla at siyang naging winning shot makaraang burahin ng 76ers ang 23-point deficit. Ang short-handed Heat ay naglaro na wala sina  Bam Adebayo, Jimmy Butler, Tyler Herro, Markieff Morris, Victor Oladipo at Caleb Martin. Ang tanging player na nasa health at safety protocols ay si Martin.

Nanguna para sa Sixers si Tyrese Maxey na may  27 points at nagdagdag si Tobias Harris ng 24. Tumipa si Joel Embiid ng 17 points at 14 rebounds subalit nagmintis sa potential tying 3-point attempt, wala nang dalawang segundo ang nalalabi. Nag-ambag si Danny Green ng 9 points, 6 rebounds at 5 steals.

Sa iba pang laro: Bucks 114, Pacers 99; Jazz 124, Clippers 103; Hawks 111, Magic 99; Kings 119, Wizards 105; Grizzlies 113, Trail Blazers 103; Cavaliers 124, Rockets 89; Timberwolves 124, Nuggets 107; Hornets 131, Spurs 115