BUZZER BEATER (Tres ni Davis binitbit ang Lakers sa 2-0 bentahe vs Nuggets)

lakers vs Nuggets

NAIPASOK ni Anthony Davis ang game-winning three-pointer sa buzzer, at kinuha ng Los Angeles Lakers ang 105-103 panalo laban sa Denver Nuggets sa Game 2 ng Western Conference Finals.

Ang kapana-panabik na panalo ay nagbigay sa Lakers ng 2-0 lead sa best-of-seven series at naglapit sa kanila ng dalawang hakbang sa unang NBA Finals appearance magmula noong 2010.

Napigilan din ng Los Angeles ang pagkulapso kung saan lumamang sila ng hanggang 16 points sa laro at abante ng walo, may tatlong minuto ang nalalabi, 100-92, bago pinangunahan ni Nikola Jokic ang pagbabalik ng Nuggets sa laro.

Tumapos si Davis, naglalaro sa conference finals sa unang pagkakataon sa kanyang career, na may 31 points, 9 rebounds, 2 assists, 2  blocks at 1 steal. Sinindihan ni LeBron James ang pag-init ng Lakers at tumapos na may 26 points, 11 boards, at 4 dimes.

Kontrolado ng Lakers ang malaking bahagi ng laro, ngunit nag-init si Jokic sa closing stretch, at nagpaligsahan sila ni Davis sa scoring.

Binigyan niya ang  Nuggets ng kalamangan, may 31.8 segundo ang nalalabi matapos ang  tip-in, subalit umiskor si Davis sa kabilang dulo sa pamamagitan ng isang runner para sa102-101 kalamangan, may 26.7 segundo sa orasan.

Mula sa timeout, bumanat si Jokic ng hook shot kontra Davis upang bigyan ang  Nuggets ng 103-102 kalamangan. Nagmintis si Alex Caruso sa isang triple subalit napanatili ng Lakers ang possession, may 2.1 segundo ang nalalabi.

Sapat na oras na ito para makakawala si Davis sa depensa ni Mason Plumlee, at kalmado niyang isinalpak ang tres na nagbigay sa Lakers ng panalo.

“This is what they brought me here for, to make big time plays,” sabi ni Davis matapos ang panalo.

Sinabi rin ni Davis na muli silang nakasuot ng “Black Mamba” jerseys bilang pagpupugay kay late Lakers icon Kobe Bryant at sa kanyang anak na si Gianna,  na kapwa nasawi sa isang helicopter crash sa California noong nakaraang Enero.

“Obviously we’re wearing the Mamba jerseys and we never want to lose in these jerseys,” dagdag ni Davis, na naitala ang huling 10 points ng Los Angeles sa laro.

Tumapos si Jokic na may 30 points, kung saan ipinoste niya ang huling 13 points ng Denver, at nagdagdag din ng 9 assists, 6 rebounds, at 4 steals. Kumamada si Jamal Murray ng  25 points, 6 rebounds, at 4  assists.

Comments are closed.