BUZZER-BEATER(Tres ni Powell binuhat sa panalo ang Dragons vs Batang Pier)

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. – Meralco vs NLEX
6:45 p.m. – Converge vs Ginebra

ISINALPAK ni Myles Powell ang buzzer-beating three-pointer upang maitakas ng Bay Area ang 105-104 panalo laban sa NorthPort sa PBA Commissioner’s Cup nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Hataw si Powell sa second half upang tumapos na may 37 points at pangunahan ang Dragons sa pagkopo ng maagang liderato na may 2-0 kartada.

“We just executed. We got a stop, we came down, they put the ball in my hands and it was game time,” wika ng emosyonal na si Powell matapos ang laro.

Patungo na ang Batang Pier sa pagsilat sa dominanteng Bay Area squad na tinambakan ang Blackwater ng 46 points sa kanilang conference opener nang lumamang sa 104-102, may isang minuto ang nalalabi, bago ang kabayanihan ni Powell.

Nagmintis ang NorthPort sa kanilang huling tatlong field goals magmula nang kunin ang kalamangan mula sa steal at lay-up ni Roi Sumang, na nagbigay-daan para isalpak ni Powell ang stepback three-pointer laban kay 6-foot-10 import Prince Ibeh.

Galing sa 41-point outburst sa kanyang PBA debut, si Powell ay nagkumahog sa kaagahan ng laro at umiskor lamang ng 9 points sa first half bago pumutok ng 28 points sa huling dalawang yugto, kabilang ang 16 sa fourth quarter.

Ang dating NBA player para sa Philadelphia 76ers ay tumapos din na may 6 rebounds at 4 steals.

Nag-ambag si Hayden Blankley ng 15 points, 10 rebounds, at 5 assists, habang nagtala si 7-foot-5 big man Liu Chuanxing ng 13 points at 5 rebounds.

Nanguna si Robert Bolick para sa NorthPort na may 33 points, 5 assists, at 3 rebounds, habang nagdagdag si Arvin Tolentino ng 22 points, 10 rebounds, at 3 steals, at nagsalansan si Ibeh ng 8 points, 11 rebounds, 5 blocks, at 1 steal sa heartbreaking defeat.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Bay Area (105) – Powell 37, Blankley 15, Liu 13, Liang 9, Yang 9, Chu 8, Reid 8, Ju 6, Song 0, Lam 0, Zheng 0.
NorthPort (104) – Bolick 33, Tolentino 22, Balanza 11, Chan 11, Ibeh 8, Santos 6, Sumag 5, Salado 3, Ferrer 3, Ayaay 2, Caperal 0.
QS: 18-24, 53-51, 80-77, 105-104.