BVR CROWN KAY CHARO, BEA

Bea Tan and Charo Soriano

MULING nakasama ang kanyang long-time partner na si Bea Tan, nakumpleto ni Charo Soriano ang matagumpay na pagbabalik sa Beach Volleyball Republic On Tour.

“Capped off this weekend with a gold! Thank you Bea Tan for dragging me out of my recovery slump and for trusting me to always give my best. ‘Til the next one,” wika ni Soriano.

Naungusan nina Soriano at Tan sina Dzi Gervacio at Roma Doromal ng Perlas, 21-16, 21-19, sa Finals para sa perfect 6-0 campaign at kunin ang ikalawang BVR title ngayong taon sa two-day tournament na idinaos sa scenic Lio Beach sa El Nido, Palawan.

Labis ang kasiyahan ni Tan na muling makatambal si Soriano sa sand court, na nagtulak sa kanya upang kumayod nang husto sa laro.

“Happy to take home the win in the BVR on Tour El Nido. Super happy that you’re back playing and killing it,” pahayag ni Tan kay Soriano.

Hindi kinalawang sa mahabang pahinga, naging maayos ang lahat para kay Soriano sa pool play, kung saan hindi sila nakatikim ng talo ni Tan sa apat na laro.

Sa semifinals, magaan na dinispatsa nina Soriano at Tan sina Sydney Eleazar at Paulina Ong ng Lio Crusaders, 21-10, 21-7,  upang maisaayos ang showdown kina Gervacio at Doromal,  na nagtambal sa unang pagkakataon sa BVR.

Nadominahan din nina Soriano,  huling naglaro sa Santa Ana Open noong Hunyo bago nagpahinga sa sumunod na dalawang editions, at Tan ang Puerto Galera leg sa kaagahan ng taon.

Sina Soriano at Tan ay muling magsasanib-puwersa sa pagpapatuloy ng beach volleyball ngayong buwan sa ninth leg ng torneo.

Comments are closed.