MATIKAS na sinimulan nina KR Guzman at Krung Arbasto ng Tiger Winx ang kanilang kampanya sa pagposte ng dalawang panalo sa Beach Volleyball Republic On Tour December Open 2018: A Christmas Rally kahapon sa Sands SM By The Bay.
Umaasang masusundan ang kanilang title conquest sa Dumaguete City noong nakaraang buwan, magaan na dinispatsa nina Guzman at Arbasto sina Joshua Barrica at Jaidal Abdulmajid ng Army, 21-13, 21-10, at Karl Baysa at Josh Villanueva ng Cignal 1, 21-12, 21-16, upang kunin ang maagang liderato sa three-team Pool B.
Sa kanilang impresibong simula, sina Guzman at Arbasto ay pinapaborang madodominahan ang 10th at final leg ng taon.
Bumagsak ang Army, na naunang ginapi ang Cignal 1, 17-21, 21-16, 15-8, sa 1-1.
Samantala, ang tickets para sa celebrity match sa Linggo sa pagitan nina phenoms Alyssa Valdez at Kiefer Ravena, at beach volleyball poster girl Charo Soriano at fan favorite John Vic De Guzman ay mabibili na ngayon sa SM Tickets.
Ang kikitain sa 4 p.m. event ay mapupunta sa Mindanao State University-Marawi’s College of Sports, Physical Education and Recreation Academy upang matulungan silang maisakatuparan ang kanilang misyon na maipalaganap ang beach volleyball.
Sa iba pang men’s contests, ginapi ng tambalan nina Rancel Varga at Efraem Dimaculangan ng UST-Maynilad sina Philip Bagalay at Brian Tan ng Fury-Ritemed, 21-9, 21-15; pinataob nina Edward Bonono at Fauzi Ismail ng Cignal 2 sina AJ Pareja at Greg Utupo ng Luna, 21-13, 21-13; at nanaig sina Edward Camposano at James Buytrago ng NU-Boysen laban kina Mike Abria at Mike Shavrak ng M&M, 21-12, 21-16.
Comments are closed.