INAASAHAN ang matinding bakbakan sa Beach Volleyball Republic On Tour December Open 2018: A Christmas Rally na aarangkada sa Dis. 14 sa Sands SM By The Bay.
Kabilang sa mga kumpirmadong kalahok sa women’s division sa 10th at final leg ng torneo ang dalawang pares mula sa University of Santo Tomas-Maynilad at BanKo-Perlas, Creamline, PetroGazz, Boysen-NU, Philippine Air Force, Rizal Technological University at Wild Card.
Pangungunahan naman ng Tiger Winx, sa pamumuno nina Dumaguete leg winners KR Guzman at Krung Arbasto, ang men’s field na kinabibilangan din ng dalawang pares mula sa Cignal, Air Force-Sta. Elena, PLDT, Boysen-NU, UST, Fury at Wild Card.
Nasa ikatlong taon na ngayon, ang premiere beach volleyball organization sa bansa, ang BVR, ay naging pangunahing outdoor lifestyle brand na kilala sa beach volleyball tournaments at nationwide tours nito.
Ang three-day event ay tatampukan din ng Sandroots program, isang beach volleyball workshop kung saan ang mga player ang hahawak sa kids’ camp sa Dis. 15.
Bilang pasasalamat sa isa na namang matagumpay na taon, ang BVR ay magho-host ng isang celebrity match for a cause sa Dis. 16, kung saan ang kikitain dito ay mapupunta sa napiling partner foundation.
Ang BVR ay galing sa Dumaguete sojourn noong nakaraang buwan, ang most attended leg sa three-year old beach volleyball circuit.
Comments are closed.