NAKATUTOK ang lahat sa mahusay na sand court tandem nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa paghataw ng Beach Volleyball Republic On Tour Gran Ola, Lianga leg ngayong araw sa Surigao del Sur.
Pangungunahan nina Rondina at Pons ng Petron, na pinangunahan ang Filipinas sa quarterfinals finish sa FIVB Beach Volleyball World Tour 1-Star Boracay Open noong nakaraang Mayo, ang 10-team women division ng two-day event na gaganapin sa Gran Ola Eco Surf Camp sand court.
Si Olympian David McKienzie ng United States, kasama si first-time partner Raja Nazmi ng Malaysia, ang mangunguna naman sa men’s cast na kinabibilangan ng 12 pares.
Sa ikatlong sunod na taon, ang Lianga ang magiging host sa BVR on Tour, na umakit ng national, club, collegiate at international tandems.
Muling makikipagtambalan si rising star Babylove Barbon, naka-partner ni Rondina sa matagumpay na three-peat campaign ng University of Santo Tomas sa UAAP noong nakaraang taon, kay Gen Eslapor para sa unang koponan ng Tigresses. Sina Barbon at Eslapor ang naghari sa Dumaguete leg noong nakaraang Abril.
Ang isa pang pares ng UST ay sina Derie Virtusio at Mer Jauculan.
Sasabak din para sa women’s crown sina Sta. Lucia’s Jackie Estoquia at DM Demontaño, Perlas’ Dzi Gervacio at Dij Rodriguez, NU-Boysen’s Andrea Abian at Trisha Yap, Jose Maria College’s Kristine Deguinon at Daphne Doblado, Chlea dela Fuente at MJ Ebro, local bets Lianga 1’s Angel Bolongaita at Lorgeline Galve, at Lianga 2’s Leah Mae Pontillo Jeah Navarro.