BVR Open BARBON-ESLAPOR SA SEMIS

SUMAMPA sina Baby Love  Barbon at Gen Eslapor ng University of Santo Tomas sa semifinals makaraang mapalawig ang kanilang perfect run sa tatlong laro sa Beach Volleyball Republic On Tour December Open 2018: A Christmas Rally kahapon sa Sands SM By The Bay.

Pinataob nina UAAP champion Barbon at Eslapor, third placers sa Dumaguete leg noong nakaraang buwan, sina  Derie Virtusio at MJ Ebro sa isang all-UST Maynilad quarterfinals duel, 21-11, 21-13.

May 3-0 kartada rin matapos ang dalawang araw na aksiyon sina BanKo-Perlas 1’s Dzi Gervacio at Bea Tan, na magaan na dinispatsa sina Kathy Bersola at Antonette Landicho ng Banko- Perlas 2,  21-6, 21-12, at Fille Cayetano at Kyla Atienza ng Creamline, na namayani kina FEU-Malaya’s Sheila Vallota at Sheena Gallentes, 21-15, 21-4.

Sinawimpalad naman ang fourth undefeated pair nina Cienne Cruz at  Jonah Sabete ng Petron Gazz nang yumuko sa quarters matapos ang impresibong 2-0 run sa pool play.

Nalusutan nina Roma Doromal at Kly Orillaneda ng NU- Boysen, na umusad sa  quarters makaraang maungusan sina May Ann Pantino at Jozza Cabalza ng Air Force sa kanilang final elimination match noong Biyernes, ang mabigat na second set upang igupo sina Cruz at Sabete, 21-15, 22-20.

Sa women’s semifinals na magsisimula ngayong alas-11 ng umaga ay makakasagupa nina Barbon at Eslapor sina Doromal at Orillaneda, habang makakaharap nina Gervacio at Tan sina Cayetano at Atienza sa isa pang pairing.

Nakatakda ang gold medal match sa alas-6 ng gabi.

Comments are closed.