SA TUWING sasapit ang panahon ng tag-ulan, masarap ang manatili lang sa bahay, humigop ng mainit na kape o sabaw, magpahinga at sulitin ang lamig ng panahon. Ngunit hindi lang tayo ang gustong-gustong manatili lang sa bahay kapag malamig ang panahon dahil may mga hindi tayo inaasahan at hindi kaaya-ayang mga bisita na maaaring manatili sa ating bahay kahit na hindi naman sila imbitado.
Huwag mo nang ikagulat kung biglang may mga ipis na kung saan-saan ay nagsusulputan, gayundin ang mga daga.
Pangkaraniwan nang nagsisilabasan ang mga ganitong klaseng insekto o peste lalo na kung tag-ulan dahil ang mga kanal kung saan sila namamalagi ay umaapaw o binabaha. Dahil dito ay napipilitan silang magsipaglabasan sa kanilang lungga na dahilan kaya’t nakikita natin sila sa ating mga tahanan.
Hindi ang ganitong uri ng bisita ang gugustuhin nating manatili sa tahanan.
Malaki ang epekto nito sa ating kalusugan, isa na nga rito ay ang leptospirosis na nakukuha sa ihi ng daga. Kapag tag-ulan pa naman ay tumataas ang porsiyento ng nagkakaroon ng ganitong klaseng sakit lalo’t kasabay ng malakas na ulan ay ang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ang mga ipis naman ay maaaring gapangan ang mga kasangkapan sa pagluluto at pagkain at sila man ay may dala-dalang mikrobyo mula sa lugar o basurang kanilang ginapangan.
Narito ang ilang easy tips para mapalayas ang hindi kaaya-ayang mga bisita sa tahanan:
PARAAN PARA MAPALAYAS ANG MGA IPIS
Isa nga naman ang ipis sa kinaiinisan ng marami sa atin. At dahil dumarami ang mga nasabing peste kapag tag-ulan, narito ang ilan sa mga simpleng paraan upang mapalayas ang mga ito.
BAKING SODA AT ASUKAL
Mga bagay na karaniwang mayroon tayo sa bahay na hindi natin batid na epektibong makapagpapalayas ng mga peste.
Upang maging mabisa ito, kailangang alamin kung saan madalas naroroon ang mga ipis bago mo ilalagay ang pain na gawa sa baking soda at asukal.
Ang baking soda ay epektibong pamatay ng ipis dahil ito’y lason para sa kanila. Ang asukal naman ang magsisilbing panghalina sa mga ito.
Kailangang paghaluin ang parehong dami ng baking soda at asukal (1/4 tasa ng bawat isa). Kailangang ibudbud ito sa mga lugar kung saan mo madalas nakikita ang mga ipis. Ulitin ang pagbudbud upang masigurado na marami itong mapatay.
Epektibo rin itong pamatay sa daga.
FABRIC SOFTER SPRAY
Hindi lang ito para pabanguhin at palambutin ang ating mga damit. Ito rin ay mabisang pamatay ipis. Kakailanganin lang ng spray upang paglagyan ng solution.
Paghaluin lang ang ¾ cup ng fabric softener at 1/2 cup ng tubig, alugin bago gamitin.
DAHON NG LAUREL
Para sa mga tao ang laurel ay panlagay sa adobo upang ito ay bumango, ngunit para sa mga ipis ito ay napakabaho.
Dikdikin ang mga dahon hanggang maging powder, ibudbud ito sa mga lugar na alam mong pinamumugaran ng ipis. Mabisa rin itong pamatay sa mga daga sa oras na ito ay kanilang kainin.
MGA PARAAN PARA MAPALAYAS ANG MGA DAGA
Bukod nga naman sa mga ipis, daga pa ang isa sa kinaaayawan ng kahit na sino sa atin. Napakalaki nga naman ng sagabal na naidudulot nito sa atin.
At para mapanatiling malinis at walang daga sa bahay, narito naman ang ilan sa mga simpleng paraan na makatutulong upang mapalayas ang mga ito:
PEPPERMINT OIL
Ayaw ng mga daga sa amoy ng peppermint. Hindi man ito makapapatay sa kanila, mabisa naman itong pantaboy sa mga daga.
Kailangan mo lang ng cotton balls at peppermint oil. Lagyan lang ng 30-40 patak ng peppermint oil ang cotton at ilagay ito sa paligid at loob ng bahay. Palitan lang ito kapag alam mong nawawalan na ito ng amoy. Ibang alternatibo ay toothpaste na peppermint o kaya dahon ng peppermint.
MOTH BALLS
Ito ang karaniwan na nating ginagamit. Ilagay ito sa sa sulok ng bahay, maaari ring sa ilalim o sulok ng cabinet upang maiwasan ang pamemeste ng daga sa iyong damitan.
SIBUYAS
Hindi lang panggisa ang sibuyas, ito ay epektibo ring pantaboy sa mga daga. Hiwain lang sa kalahati ang sibuyas at ilagay sa dinaraan o lungga ng daga. Ayaw ng mga daga ang matapang na amoy nito. Kung kaya’t sa oras na maamoy nila ito ay agad silang tatakbo.
STEEL WOOL
Ang inaakala nating mabisang panlinis ng kawali at kaldero ay mabisa ring pang-iwas sa peste sa bahay. Ilagay ang steel wool sa mga butas na pinamamalagian ng daga o mga butas na maaari nilang pasukan.
Mahihirapan ang daga na ngatngatin ito.
BUHOK
Hindi man kapani-paniwala, ngunit epektibong pantaboy sa daga ang buhok. Ilagay ang isang bungkos ng buhok sa butas kung saan sila namamalagi, o sa lugar kung saan sila madalas makita. Sa oras na makain nila ang buhok, ito ay kanilang ikamamatay.
Sundin ang mga nabanggit na tips upang unti-unting mapalayas ang mga bwisita na namamalagi sa ating bahay kahit na walang imbitasyon.
Siguraduhin ding malinis ang loob at labas ng tahanan dahil ito ang pinakamabisang paraan para hindi magkaroon ng ipis at daga ang lugar na ating nilalagian.
Ugaliing linisin ang pinagkainan, punasan ang mga natapong pagkain sa hapag, huwag iiwang nakatiwangwang ang hugasan sa lababo. Siguraduhing ang mga pagkain ay nakatago o natatakpan ng maayos. Itapon ang basura sa tamang lalagyan at iwasang iimbak ito sa loob ng iyong tahanan.
Mga simpleng paraan upang maiwasan ang pag-anyaya sa mga hindi kanais-nais na mga bisita. (photos mula sa pestwiki, advancetrappers.com, organicfacts at medicalnewstoday) MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.