BYE, BYE ARGENTINA, PORTUGAL

FIFA WORLD CUP

DOBLE ang pagluluksa ng football fans makaraang mabigo ang mga bigating Argentina at Portugal sa kani-kanilang ‘last 16’ match sa FIFA World Cup.

Naunang nasilat ang Argentina ni soccer legend Lionel Messi sa France, 4-3, sa Kazan Arena.

Pinangunahan  ni Kylian Mbappe ang panalo ng France sa kanyang dalawang goals na naipasok sa loob lamang ng apat na minuto sa second half.

Ang bilis ng 19-anyos na forward ang nagbigay ng problema sa Argentina sa buong laro at ang kanyang dalawang  strikes ay nakatulong sa France upang burahin ang 2-1 deficit at maisaayos ang quarterfinal duel sa final Uruguay.

Nabigo si Messi na dalhin ang kanyang koponan sa quarterfinals matapos ang kanilang ‘miracle win’  kontra Nigeria sa group stage.

Si Messi ang inaasahan ng buong Argentina upang makabawi sa hindi nila pagkakasungkit ng korona laban sa Brazil noong 2014.

Ang Argentina ay huling nagkampeon sa World Cup noon pang 1986 kung saan dalawang beses pa lamang silang nagwagi sa torneo.

Naging susi sa panalo ng France ang mahinang depensa ng Argentina kung saan idinaan nila sa kanilang bilis ang laro upang maitakas ang panalo.

Samantala, nasibak ang Portugal ni Cristiano Ronaldo nang malasap ang 1-2 pagkatalo sa No. 14 Uruguay sa Sochi.

Nanguna para sa Uruguay si forward Edinson Cavani sa kinamadang dalawang goals.

Sa panalo ay naisa­ayos ng Uruguay ang quarterfinal showdown sa France.

Binigyan ni Cavani ang Uruguay ng kalamangan sa seventh minute nang matakasan niya ang depensa ng Portugal upang salubungin ang pinpoint cross ni Luis Suarez sa pamamagitan ng bullet header sa malayong puwesto.

Sa pangyayari ay hindi na magkakaroon ng katuparan ang ‘dream game’ sa pagitan ng dalawang football icons.

Inaabangan  na lamang ngayon kung itutuloy ni Messi ang nauna nitong pahayag na magreretiro na ito nang tuluyan sa international football.

Ang 33-anyos na legend ay nag-anunsiyo na rin noong 2016 na mag­reretiro na subalit makalipas ang dalawang buwan ay binawi ito.

 

 

Comments are closed.