LALO pang lalakas ang equipment at personnel transport capability ng Armed Forces of the Philippines ngayong mapapaaga ang delivery ng pangalawang missile frigate ng Philippine Navy (PN) mula sa South Korea at isa pang cargo plane mula sa United States matapos na ideliver nitong nakalipas na Linggo ang isang C-130 heavy lift aircraft ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang bagong dating na C130-H na may tail Nr 5125 ang una sa dalawang C-130H aircraft na ipinagkaloob ng US Government sa pamamagitan Security Cooperation Assistance.
Bagaman, hindi ito bago ay fully refurbished ang nasabing aircraft at ginastusan din ng gobyerno para mapa ayos at magamit ng PAF para mapalakas pa ang capability nito lalo na sa heavy airlift missions para suportahan ang troop movements , delivery ng heavy cargoes at iba pang military hardwares at maging para sa Territorial Defense Security and Stability at Humanitarian Assistance and Disaster Response Operations.
Samantala, inaantabayanan naman ng DND ang pagdating ng pinakabagong war ship ng PN na higit ding magpapalakas sa sea lift capability ng Hukbong Dagat dahil mapaaga rin ang delivery ng pangalawang missile frigate na magmumula sa Ulsan, South Korea.
Ito’y makaraang aprubahan ng joint DND at PN inspection team ang delivery at acceptance ng BRP Antonio Luna FF151, sister ship ng BRP Jose Rizal FF150.
Ayon kay Rear Admiral Alberto Carlos, Chairman ng Frigate Technical Inspection and Acceptance Committee na comply ng Hyundai Heavy Industries ang lahat ng mga napagkasunduang technical specifications para sa FF151.
Kinumpirma ni Carlos pumasa sa lahat ng vessel performance test protocols ang pangalawang missile frigate.
Iniulat din ni Carlos na nasa $7.4 million halaga na mga karagdagang equipment ang ibinigay ng HHI bilang kanilang goodwill gesture.
Nakatakdang umalis ng Ulsan, South Korea ang FF151 sa Pebrero 5 at darating ito sa bansa ng Pebrero 10.
Nauna rito, sinalubong ng mga tauhan ng PAF ang pagdating ng isa sa dalawang C-130H aircraft mula Amerika noong Sabado. VERLIN RUIZ
Comments are closed.