NAGDULOT ng delay ang ilang biyahe ng commercial flights matapos tumirik sa taxiway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang C130 ng Philippine Air Force kamakalawa.
Kasunod nito, kinansela ng PAF ang flight ng C130 na may sakay na 34 pasahero at pitong crew bilang precautionary measure.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, maayos ang lagay ng mga pasahero at crew ng cargo plane.
Paliwanag ni Castillo, nagkaroon ng technical problem sa braking system ng eroplano kaya kailangan huminto sa bahagi ng taxiway ng paliparan.
Sa report ng Manila International Airport Authority (MIAA) Media Affairs Division, kinumpirma na 34 na pasahero at pitong crew members ang nakasakay sa C130 aircraft nang maganap ang insidente.
Nakasaad sa ulat na may ilang commercial flights ang naantala dahil pinaikot ng malayo ang ilang eroplano patungo sa mga respective terminal o runway dahil sa nagka aberyang C130. EC