C5 SOUTH LINK BUKAS NA

C5 SOUTH LINK

MAKAAASA ang mga motorista na bumibiyahe sa pagitan ng Taguig at Pasay City ng mas mabilis na travel time sa pag-bubukas ng bahagi ng C5 Southlink Expressway kahapon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang 2.2-kilometer flyover, na tatawid sa South Luzon Expressway at babagtas sa Pasay City at Taguig, ay inaasahang makapagpapagaan sa daloy ng trapiko sa Sales interchange malapit sa Villamor Air Base, at magpapaluwag sa  SLEX East at West Service Roads, gayundin sa EDSA.

“This is a vital project that will cut travel time in half from the usual 1.5 hours spent to cross from Villamor Airbase, Pa-say area to Taguig City. With 3 lanes in each direction of this flyover, passage of the anticipated 8,000 vehicles will be eased when they use the flyover starting 8 p.m. sharp tonight,” wika ni DPWH Secretary Mark Villar.

Ang C5 South Link na may habang 7.7 kilometro ay proyekto ng Metro Pacific Tollways Corp., na nagpapatakbo rin sa North Luzon Expressway, ang  Subic-Clark-Tarlac Expressway.

Ang bahagi ng C5 South Link Expressway ay nagkakahalaga ng P1.6 bilyon mula sa kabuuang budget ng proyekto na P11 bilyon.

Sa ilalim ng proyekto, idurugtong ang Cavite Expressway (Cavitex) sa C5 Road.

Inaasahang sa huling quarter ng 2021 matatapos ang proyekto na magbibigay ng ginhawa sa halos 50,000 sasakyang bumibiyahe patungong Makati, Taguig, Las Piñas at iba pang siyudad sa Timog ng Metro Manila. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.