KINUMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa anim na miyembro ng kanyang gabinete na magre-resign upang kumandidato sa May 2019 midterm elections.
“Alan Peter Cayetano is also running as representative in Taguig City,” sabi pa ng Pangulo sa ginanap na press conference makaraan ang oathtaking ng mga bagong halal na opisyal ng Malacañang Press Corps.
Sinabi ng Pangulo na mayroon na siyang napipisil na pumalit kay Cayetano subalit tumangging tukuyin kung sino ang kanyang napili.
Kabilang sa mga kakandidatong senador sina Special Asisstant to the President Christopher Lawrence ‘Bong” Go, Presidential Political Adviser Francis Tolentino at Presidential Spokesman Harry Roque habang kakandidato naman sa local politics sina Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Guiling Mamodiong, at Agrarian Reform Secretary John Castriciones.
Inanunsiyo rin ng Pangulo na kanyang kinokonsidera si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na pumalit kay Roque bilang Presidential Spokesman at mamuno ng muling itatatag na Office of the Press Secretary (OPS) na papalit sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar.
Magsisilbing consultant ng OPS si Secretary Andanar sa sandaling magsimula sa kanyang tungkulin si Panelo.
Magsisimula ngayong araw hanggang sa Oktubre 17 ang paghahain ng certificate of candidacy sa mga nagnanais na kumandidato sa May 2019 elections. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.